(Iprayoridad sa 2022 budget ng DepEd) LIGTAS NA FACE-TO-FACE CLASSES

Sherwin Gatchalian

LIGTAS na pagbubukas ng mga paaralan.

Ito dapat ang maging prayoridad ng Department of Education (DepEd) sa isinusulong nitong budget para sa 2022, ayon kay Senador Win Gatchalian.

Sa ilalim ng 2022 National Expenditure Program (NEP), P630.8 bilyon ang nakalaan sa DepEd at attached agencies nito. Mas mataas ng anim na porsiyento ang nakalaan sa new appropriations sa 2022 kung ihahambing sa budget sa 2021.

Pinuna ni Gatchalian na malaking halaga pa rin o P15 bilyon ang nakalaan sa Flexible Learning Options. Ito ay ang pag-gamit ng telebisyon, radyo, modules, at iba pang mga paraan ng pagtuturo habang wala pang face-to-face classes. Malaking porsiyento ng naturang halaga ay ilalaan sa pag-imprenta ng self-learning modules.

Sa ilalim naman ng P5.4 bilyong pondong nakalaan para sa Basic Education Facilities, P358 milyon  ang para sa Priority School Health Facilities. Ito ay para sa pagpapatayo, pagpapalit, at rehabilitasyon ng water systems, handwashing at toilet facilities, at iba pang health at sanitation-related facilities.

Noong School Year 2019-2020, may 7,292 na paaralan sa elementarya; 2,082 sa junior high school; at 2,085 sa senior high school ang wala pa ring sapat na pasilidad para sa paghuhugas ng kamay.

“Nais nating bumalik sa face-to-face classes ngunit hindi natin nakikita ito sa 2022 budget,” pahayag ni Gatchalian sa isang pagdinig sa panukalang budget ng DepEd para sa susunod na taon.

Nakatakdang magsimula sa Nobyembre 15 ang pilot run ng limited face-to-face classes sa 120 paaralan. Sa Marso 7 naman nakatakdang palawigin ang naturang pilot testing. Ngunit panawagan ni Gatchalian sa DepEd, paikliin pa sana ang timeline sa limited face-to-face classes upang makalahok ang mas marami pang mga paaralan.

Ayon sa chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, magpapanukala siya ng mga pagbabago sa proposed budget ng DepEd upang gawin itong akma sa ‘new normal’.

Pinuna rin ng mambabatas ang lumiit na budget ng Senior High School Voucher Program (SHS-VP) at Educational Service Contracting (ESC) para sa junior high school.

Ayon kay Gatchalian, maaari itong magdulot ng pagbaba ng halaga ng tulong pinansiyal sa mga mag-aaral sa public school pati na rin sa bilang ng mga benepisyaryo mula sa mga pribadong paaralan.

Ngayong 2021, may P25.2 bilyong nakalaan sa SHS-VP, kasama na rito ang P11.5 bilyon para sa unprogrammed appropriations. Ngunit sa panukalang 2022 budget, P16.5 bilyon lamang ang nakalaan sa programa o mas mababa ng P8.7 bilyon kung ikukumpara sa pondo noong nakaraang taon. Dahil dito, tinatayang bababa ng 33,883 ang bilang ng mga benepisyaryo sa susunod na taon.

“Ang pondo para sa edukasyon sa susunod na taon ay dapat nakatuon sa pagbangon ng sektor mula sa epekto ng pandemya. At habang unti-unti nating binubuksan ang mga paaralan, kailangang pinaghahandaan na rin natin ang mas ligtas na pagbubukas ng mga ito para sa kapakanan ng mga mag-aaral at mga guro,” dagdag ni Gatchalian. VICKY CERVALES

3 thoughts on “(Iprayoridad sa 2022 budget ng DepEd) LIGTAS NA FACE-TO-FACE CLASSES”

  1. 375841 227564Awesome material you fellas got these. I in fact like the theme for the website along with how you organized a person who. It is a marvelous job For certain i will come back and look at you out sometime. 594791

Leave a Reply

Your email address will not be published.