IPs AYAW LUMUBOG

Lubog sa baha, lubog sa utang, lubog sa pananakop ng Tsina.

Nanawagan kama­kailan ang mga indigenous people na ihinto ang Kaliwa Dam Project upang maisalba ang Sierra Madre

Ayon sa kanila, sapilitang sinasakop ng Kaliwa Dam Project ng MWSS ang Ancestral Domains ng mga Dumagat/Remontado indigenous people, lalo na sa mga komunidad ng Baykuran, Makid-ata at Yokyok sa General Nakar, Quezon at Daraitan sa Tanay, Rizal.

Sinimulan na umano ng MWSS ang konstruksyon ng tunnel sa Terresa, binayaran na ang mga bahayan sa Kiborosa upang umalis, at nagtayo na rin ng barracks para sa mga Chinese ng China Ener­gy Engineering Corporation.

Ikinababahala umano nila ang ilegal na pagpasok sa bansa ng mga manggagawang Chinese na walang karampatang permits.

Batay sa Environmental Compliance Certificate (ECC) na ibinigay ng DENR sa MWSS, hindi makapagsisimula ang proyekto kung walang maayos permits na ibinibigay ang mga sangkot na ahensya ng gobyerno.

Nagpaplano ang mga indigenous communities na magsagawa ng protesta sa lalong madaling panahon, kasabay ng World’s Indigenous Peoples Day, upang mapakinggan ni  Secretary Maria Antonia Yulo Loyzaga ang kanilang hinaing.

May 100 katao ang inaasahang bababa sa kabundukan, kung saan ang 50 ay indigenous people mula Rizal at Que­zon. Hinihiling nilang bigyan sila ng concrete response hinggil sa kawalang ng kakayahan ng MWSS na ipakita ang mga dokumentong iniaatas ng ECC. Nais nilang mag-isyu si Loyzaga ng cease-and-desist order at pansamantalang ipahinto ang mga aktibidades sa Kaliwa Dam project.

RLVN