BIGYAN ng patas na oportunidad ang Indigenous People (IPs) at Persons with Disabilities (PWDs) pagdating sa larangan ng isports.
Ito ang panawagan ni Senador Francis ‘Tol’ Tolentino, kasabay ng pagbibigay-diin na hindi dapat i-discriminate ang mga katutubo at mga PWD sa palakasan.
Ginawa ni Tolentino ang apela kaugnay na rin sa sponsorship ni Senador Sherwin Gatchalian sa Senate Bill 1086 o ang “Philippine High School of Sports of 2019”.
“Mayroon po bang puwang ‘yung ating mga Lumad, ‘yung ating mga Aeta, ‘yung ating mga taga-Kalinga at mga PWD dito po sa panukalang batas na ito na magkaroon ng sports high school or will just this be an elitist school?” tanong ni Tolentino kay Gatchalian.
“’Yung mga walang sapatos baka naman hindi na makapunta na o baka ma-discriminate sila,” dagdag pa niya.
Tinukoy pa ni Tolentino ang Republic Act 8371 o ang “The Indigenous Peoples’ Rights Act of 1987” at Republic Act 7277 o ang “Magna Carta for Persons with Disabilities” kung saan dapat bigyan ng pantay na pagtrato ang mga IP at PWD at patas na pagkakataon para umunlad sa lipunan.
“Panahon na para tuldukan na natin ang diskriminasyon, suportahan natin ang mga kababayan nating IPs at PWDs,” giit ni Tolentino.
Tiniyak naman ni Gatchalian na bukas ang lahat ng mga Filipino sa panukalang sports high school at wala ring diskriminasyon sa mga IP o katutubo, gayundin sa mga PWD na gustong pumasok dito. VICKY CERVALES
Comments are closed.