NANGANGANIB nang tuluyang mawala ang ipinagmamalaking matandang hanap-buhay ng mga Caviteño, ang “pag-iiras” o “pag-aasin”.
Nangangamba ang ilan na baka tuluyan ng maglaho ang mga irasan o pagawaan ng asin sa baybaying dagat ng Cavite.
Magugunitang noong araw, habang binabaybay mo ang daang Cavite ay masisilayan mo ang ganda at nakakasilaw na asinan.
Makikita mo ang lawak ng irasan habang dahan-dahang kinakayod patungo sa sisidlan nito.
Ang ilan sa mga irasan ay tuluyan ng tinabunan at ginawa ng pangpribadong kabahayanan.
Wala na ang mga bakas nito na magpapaalala sa atin na lubhang nakakapanghinayang.
Ang industriya at kultura ng asin ay nanganganib ng mawala pagdating ng araw.
Personal na pinuntahan ng may akda ang irasan sa Noveleta, Cavite na pag-aari ng namayapang si Lola Gorgonia Viñegra.
Dito ay nakapanayam ng may akda si Tatay Willy Dayrit, may asawa at 4 na anak.
Sa pag-iiras na umikot ang buhay ni Tatay Willy kung saan, 12-anyos pa lamang siya ay nagtatrabaho na sa irasan.
Naging katu-katulong siya ng kanyang ama at lolo sa pag-iiras.
Apatnapu’t pitong taon na siyang laman ng irasan at dito niya binubuhay ang kanyang pamilya.
Aniya, ang uri at klase ng asin ay dumedepende sa hanging taglay nito.
Kung medyo maitim ang asin ay dulot ito ng hanging sabalas. Kung magaspang naman ang asin ay dulot ito ng hanging habagat.
Kung pino at maputi naman ang asin ito ay dulot ng hanging amihan.
Ang bawat pitak ng irasan ay may sukat ng 23 talampakan bawat kuwadrado.
Patuto ang tawag sa hangganang bakod nito na may banigan at tisa na buhat sa mga basag na tapayan na siyang nagmimistulang sahig.
Pagkatapos na maani ang asin, ito ay muling sasalinan ng tatlongpung timba ng tubig mula sa sinalang tubig dagat.
Hinahayaang mabilad sa tindi ng sikat ng araw hanggang tuluyang matuyo ang tubig alat na magreresulta at mag-iiwan ng mga puting kristal na kung tawagin ay asin.
Kakayurin ang asin patungo sa buntunan na malapit sa tatsulok na nasa gitna ng patuto.
Hahakutin ang asin gamit ang dalawang malaking sisidlan na may lubid gamit ang mahabang kawayan na nakaatang sa balikat upang dalhin naman sa kamalig na siyang ginagawang istakan ng asin.
Mahalaga ang papel ng asin sa ating buhay. Isa sa mahalagang sangkap na nagbibigay lasa sa pagkain, taglay ang alat na dulot nito. Ginagamit din itong pangpreserba ng pagkain.
Walang makakapagsabi kung hanggang kailan mananatili ang natitirang irasan na ito sa Cavite.
Bawat araw, bawat oras ay mahalaga.
Ang mahalaga ngayon ay masilayan at maranasan ang ganda at kultura ng nalalabing asinan bago pa tuluyang maglaho ang matanda at pinagmamalaking kabuhayan.
SID SAMANIEGO