(Iregularidad sa pamamahagi ng ayuda) SHOW CAUSE ORDER  VS 46 TSERMAN

cash gift

PINADALHAN na ng show cause order ng Manila City government ang 46 na barangay officials dahil sa sinasabing iregularidad sa pamamahagi ng cash assistance at allowance na ipinamimigay ng pamahalaan sa mga apektado ng coronavirus disease o COVID-19.

Nasa  46 na tinaguriang mga ‘Kupitan ng Barangay’ ang pinagpapaliwanag ni Manila Mayor Isko Moreno sa napakaraming reklamo  ngayong panahon ng  COVID-19 crisis na kinabibilangan ng mga kulang’-kulang na bilang ng ayuda, nawawalang sauce ng spaghetti, hindi naibigay na financial assistance, iniipit na mga grocery items at iba.

Ang nasabing bilang ng mga kapitan barangay na mula sa anim na distrito ng Maynila kung saan tatlo rito  ang may pinakamalaking kasalanan na mula sa Tondo, ay pinadalhan na ng show cause order.

Pinagpapaliwanag ang mga barangay official sa loob ng 72 na oras dahil sa paglabag sa Bayanihan: We Heal As One Act, Anti-Graft and Corrupt Practices Act at City ordinances.

Isa sa mga reklamo na labis na nagpagalit sa alkalde ay ang ginawa ng isang chairman kung saan  isinama sa listahan ng mga tatanggap ng ayuda ang pangalan ng isang namatay at kalakip pa nito amg pirma ng yumao, bilang patunay na natanggap nito ang ayuda.

May isa namang chairman ayon kay Moreno na nire-recycle ang grocery items at iba pang ayuda at iniimbak lang sa barangay hall. Kapag nai-release na ang budget ay ibubulsa ito  at palalabasin na naipambili na ng mga grocery items at iba pang relief goods at ipapakita ang mga naiimbak na mga recycled na ayuda.

Maging ang mga senior citizen ay hindi pinaligtas ng mga ‘kupitan ng barangay’ dahil ang P1,500 financial aid at lata ng gatas (Ensure) ay dinugas din. Ikinatwiran naman ng inaakusahang kapitan na hindi niya ito gawain dahil aniya ‘mayaman’ daw siya.

“Hindi ako nag-aakusa pero may mga reklamo ding ‘di nakatanggap ng P1,000 na CACAF (city amelioration crisis assistance fund) pero nasa listahan naman namin. Lahat nahihirapan ngayon kaya dapat pairalin malasakit at politika.

Matindi rin ang naging babala ni Moreno sa mga kapitan ng barangay na huwag pakikialaman ang social amelioration program (SAP) funds na galing sa national government.

“May nababalitaan kami, ‘yung SAP, ang ginagawa ng ilan, ‘yung P8,000 ay hinahati sa tigtu-2,000. Dapat buo at kung sino ang napiling benepisyaryo ng DSWD.  Mahigpit ang bilin ni Pangulong Duterte na walang politikong makikialam pero paalaala, national government ito through DSWD. Tutulong lang kami sa manpower,” dagdag ng alkalde. VERLIN RUIZ