(Irerekomenda ng DA) PRICE FREEZE SA BABOY, MANOK

Assistant Secretary Noel Reyes

NAKATAKDANG irekomenda ng Department of Agriculture (DA) sa Malacañang ang pagpapatupad ng price freeze sa baboy at manok sa gitna ng mga nararanasang taas-presyo.

Sa isang panayam sa radyo, sinabi ni DA Undersecretary Noel Reyes na isusumite nila sa Palasyo ang mga papeles sa mga susunod na araw para mapirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

“Mag-aano na ng price freeze at ‘yun may penalty na ‘yon. So kailangang presidente ang mag-impose. May rekomendasyon na sa Malacañang, may mas ngipin ‘yong price freeze kaysa SRP, dapat ang presidente ang pumirma noon,” sabi ni Reyes.

Sa ilalim ng batas, kulong at multa ang kakaharapin ng mga lalabag sa price freeze.

Giit ng opisyal, dapat ay nasa P270 hanggang P300 lamang ang kada kilo ng baboy, habang ang manok ay  P160 lang kada kilo.

Sa kasalukuyan ay pumapalo na sa halos P400 ang presyo ng kada kilo ng baboy sa Luzon, na ayon sa mga hog raiser ay dahil sa banta ng African Swine Fever at sa kakulangan umano ng suplay.

Tumaas naman ang farmgate price ng manok dahil sa paglaki ng demand. Ang presyo ngayon ng manok sa mga pamilihan ay nasa P190 hanggang P200 kada kilo.

Ayon sa DA, ang pagsipa ng presyo ng baboy at manok ay dahil sa pananamantala ng mga negosyante.

Comments are closed.