ITUTULAK ng Department of Trade and Industry (DTI) sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang pagbubukas ng internet cafés sa mga lugar na nasa ilalim ng general community quarantine (GCQ).
Sa isang radio interview, sinabi ni DTI Secretary Ramon Lopez na irerekomenda rin ng kanyang tanggapan ang pagpapahintulot sa operasyon ng tutorial at review centers sa GCQ areas.
“We don’t allow yet the operation of internet cafés because we fear that children will gather inside internet shops. But if it’s for education purposes, that’s why we reconsider to include them in establishments allowed to operate under GCQ,” wika ni Lopez.
Sa kanyang ika-5 State of the Nation Address noong Lunes ay iginiit ni Presidente Rodrigo Duterte na hindi niya papayagan ang face-to-face classes hanggang walang bakuna laban sa Covid-19.
Sinabi pa niya na maaaring magrekomenda ang DTI ng mga industriya na puwedeng magbukas ulit sa gitna ng pandemya pagkaraan ng konsultasyon sa iba pang mga ahensiya tulad ng Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Health (DOH) at Department of Finance (DOF).
Bukod sa cybercafés at tutorial at review centers, sinabi ni Lopez na pinag-aaralan din nila na buksan ulit ang iba pang establisimiyento sa GCQ areas, tulad ng personal grooming at aesthetic services, pet grooming, gyms, fitness centers, at sports facilities.
May ilang negosyo rin, aniya, ang inirerekomenda na payagan ang drive-in cinemas.
“I believe that the IATF’s mindset now is to revive the economy while still implementing strict health protocol,” ani Lopez.
Dagdag pa ni Lopez, ang mga sektor na nagbalik na sa operasyon ay patuloy na pinagbubuti ang kanilang protocols upang masiguro na walang mahahawaan ng COVID-19 sa naturang mga establisimiyento. PNA
Comments are closed.