NAUWI sa trahedya ang masayang sports game na basketball makaraang bawian ng buhay ang isang manlalaro habang dalawa ang sugatan sa Tondo, Maynila.
Isinugod sa Tondo Medical Center ang biktimang dead on arrival na si John Mathew del Pilar y Mahinay, 24-anyos, binata ng 110 Simon Ext., Brgy 103, Tondo, Manila; ang sugatang sina Johansel Enciso y Magante, ng 17-C T. Sora St., Brgy 105, Tondo, Manila na may tama ng baril sa kanang bahagi ng katawan at Andrea Enciso y Magante, 17-anyos, estudyante ng 049 Pechay St., B103 Tondo, Manila na tinamaan ng ligaw na bala.
Kinilala naman ang naarestong suspek na si Joseph Ariola y Lagurin, 40-anyos, negosyante ng 289 Ugbo St., B96 Tondo, Manila at kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya.
Sa ulat ng Manila Police District (MPD), dakong alas-10 kamakalawa ng gabi nang maganap ang insidente sa loob ng Pumping Basketball Covered Court, sa Brgy 137 Balut, Tondo Manila kung saan naglalaro ng basketball ang team ng suspek at team ng mga biktima.
Sa kasagsagan ng laro, sinasabing ang isa sa manlalaro ng team ng suspek ay umano’y nabangga sa balikat ng kalabang team dahilan upang magkainitan hanggang sa humantong sa suntukan.
Tinangka umanong mamagitan ng suspek subalit pinalagan siya ng kalabang grupo kaya binunot nito ang baril na nakasukbit sa kanyang beywang at nagpapaputok kung saan tinamaan ang mga biktima.
Mabilis na isinugod ang tatlo sa ospital subalit namatay si Del Pilar habang naaresto naman ang suspek. PAUL ROLDAN