IRR NG GCTA PINAAAMYENDAHAN

convicted

SA pagpapatuloy ng pagdinig sa kontrobersiyal na pagpapatupad ng RA 10592 o Good Conduct Time Allowance ( GCTA) para sa pagpapalaya sa convicted criminals,  hiniling ni Senate President Vicente Tito Sotto III na amyendahan na ng implementing rules and re­gulations (IRR) ng batas.

Lumalabas sa pagdinig, hindi dapat kabilang sa mga pinalalaya sa pamamagitan ng GCTA law ang mga nahatulan ng henious crime.

Subalit, iba naman ang naging interpretasyon dito ni Bureau of Correction Director General Usec Nicanor Faeldon, kaya nakalaya ang ilang mga suspect na nakagawa ng heinous crime tulad ng tatlong suspect sa Jacquieline at Marijoy Chiong rape slay case.

Hindi rin alam ni Faeldon na dapat ay kinokonsulta sa Justice Secretary ang mga sasailalim sa GCTA.

Dahil dito, sinabi ni Sotto na nagkausap sila ng mga senador na may akda ng panukala na para mas mapabilis ay  mas maka­bubuti na amyendahan na lamang ng IRR ang batas.

Ipinunto pa ni Sotto na maging siya ay hindi makapaniwala na mangyayari ito dahil naaalala pa nito na ginawa ang batas noon ni dating Senador Miriam Defensor Santiago para sa mga inmate na mga matatanda at may mga sakit sa loob ng bilangguan .

Naniniwala naman si Senador Panfilo Lacson na si Pangulong Rodrigo Duterte ang “ultimate” na nag-utos na hindi dapat maisama sa mga mapapalayang bilanggo ang mga nakagawa ng  heinous crime. VICKY CERVALES

Comments are closed.