NILAGDAAN na ang Implementing Rules and Regulations ng R.A. 11930 o ang Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children (OSAEC) at Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials (CSAEM) Act.
Ito ang inihayag ni Undersecretary Janella Ejercito Estrada ng National
Authority for Child Care (NACC).
“Ilang taon din tayong nangapa kung paano ba talaga mapi-pigilan ang sexual crimes laban sa mga bata gamit ang ICT at digital world. Nakaka-dismaya noon dahil tila wala tayong magawa maski sa mga online sex crimes na mga magulang mismo ang may gawa kapalit ang pera,” ani Estrada.
“Sa lawak ng World-Wide Web, matagal ding nagtago ang mga online sex offenders at sinamantala nila ang kahinaan ng ating mga kabataan. Ngayon, matutukoy na natin sila, maipapa-kulong habang-buhay at hindi natin sila papatawarin sa kanilang krimen,” dagdag pa nito.
Sa ilalim ng OSAEC and CSAEM Act, anomang akto, pagsubok o pagtulong sa pagsasagawa ng online child sex mapa-online, pisikal o kombinasyon nito ay mapa-parusahan.
Ang “sexscams” at paghikayat sa isang bata na maging bahagi nito ay krimen na rin kahit may pahintulot ng bata.
Ginawa na rin responsable ang Internet platforms at intermediaries, subscribers, payment platforms at mga indibidwal na nagpapasa o nagsha-share ng mga online material na may child sex.
“Nakakagaan at luwag ng dibdib ang naisa-batas na parusa ng online child sex. Sa higpit ng mga ito, may pag-asa tayo na mapigilan ang online child sex at masi-siguro natin na ang digital world ay mas ligtas para sa ating mga kabataan,” dagdag ni Usec. Estrada.
Sa panibagong batas, ang online sex offenders ay mapaparusahan ng pagkaka-kulong mula 12 taon hanggang habambuhay at pagbabayarin mula P100,000 hanggang P20 milyon.
“Bukod sa pagpigil at pagpa-parusa ng online child sex, layon din ng R.A. 11930 na magkaroon ng one-Government approach kasama ang iba’t-ibang ahensya ng gobyerno upang matulungan ang mga batang biktima na maka-recover physically, psychologically at socially. Gusto natin silang bigyan ng aruga at pagmamahal na sa una pa lang ay pinagkait na sa kanila,” diin nito.
“Ang kampanya laban sa online child sex at paglaganap ng mga online materials nito ay responsibilidad ng bawat isa.
Bawat isa sa atin ay may responsibilidad na protektahan ang ating mga kabataan, tulungan ang mga biktima na maka-recover, at bigyan sila ng oportunidad na mamuhay ng may dangal at may pag-asa. Kasama ang DSWD, ang NACC ay tutulong upang sila ay maga-bayan, makapag-aral at nang manumbalik ang kanilang normal na buhay.
Naway sila ay makatagpo ng tunay ng pagmamahal, aruga at oportunidad para sa mas maayos na kinabukasan,” ani Usec. Ejercito Estrada.
“And at the end of the day, gusto natin na ang digital technology ay ligtas at kapaki-pakinabang para sa ika-uunlad ng ating mga kabataan. Kailanman, hindi dapat ito maging daan para sa kanilang ika-sisira, ng kanilang kinabukasan lalo na ng kanilang pagiging malaya at masayang indibidwal,” dagdag pa nito.
VICKY CERVALES