“Bilang na ang mga araw ninyo!”
Ito ang babala ni Senador Win Gatchalian sa mga indibidwal o grupo na nagpapadala ng mga text scam at phishing messages lalo na’t minamadali na ang implementing rules and regulations (IRR) ng Subscriber Identity Module (SIM) Registration Law bago tuluyang maipatupad ang batas.
“Napansin namin na patuloy ang paglaganap ng mga scam at phishing messages kahit na naipasa na ang batas. Pero umaasa tayong mababawasan na ang bilang ng mga kawatan habang papalapit na ang pagpapatupad ng batas na magsisimula sa Disyembre 27,” ani Gatchalian.
Ang National Telecommunications Commission (NTC) ay magsasagawa ng pampublikong pagdinig sa Disyembre 5, kasama ang mga telecommunications provider at iba pang stakeholders para isapinal ang IRR ng batas na kilala rin bilang Republic Act No. 11934.
Nakasaad sa batas na ang mga SIM card ay naka-deactivate kapag naibenta at maaari lamang i-activate kapag narehistro na kung saan kailangang magpakita ng valid ID. Ang sinumang magparehistro ng SIM card gamit ang mali o kathang-isip na impormasyon, at kathang-isip na pagkakakilanlan ay mahaharap sa naaangkop na mga parusa.
Itinakda pa ng batas na ang mga telco subscriber na mayroon nang SIM card ay kailangang magparehistro sa kani-kanilang mga telco provider sa loob ng isang takdang panahon o sila ay posibleng putulan ng network. “Kumpiyansa tayo na ang pananagutan na nakasaad sa batas ay isang malaking paraan para mahadlangan ang mga online scam,” sabi ni Gatchalian.
“Matagal nang panahon na nagdudulot ng panganib at pangamba ang mga scam at phishing text messages na ito sa maraming telco subscribers sa bansa. Panahon na para matuldukan ang ganitong mga gawain, mabigyan ng maayos na seguridad ang mga telco subscribers, at panagutin ang mga kawatan,” dagdag pa ng senador.
VICKY CERVALES