IRR NG UHC NALAGDAAN NA

Francisco Duque III

PORMAL nang nalagdaan kahapon ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Universal Health Care (UHC) Law o ang batas na tumitiyak na mapapangalagaan ang kalusugan ng lahat ng mga Filipino.

Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, ang ceremonial signing sa IRR ng UHC ay isinagawa dakong 11:00 ng umaga sa Manila Prince Hotel sa Maynila.

Bukod kay Duque, pinangunahan din ito ng principal author ng batas na si Rep. Angelina Tan, MD; sponsor na si dating Sen. Joseph Victor ‘JV’ Ejercito Estrada; at Sen. Christopher Lawrence ‘Bong’ Go, na siyang chairman ng Senate- Committee on Health and Demography.

Pahayag ni Duque na sa ilalim ng batas, bawat Pinoy ay awtomatikong magiging miyembro ng PhilHealth at magiging eligible sa ‘no balance billing,’ sa sandaling kailanganing ma-admit sa basic o ward accommodation ng pagamutan.

Bawat mamamayan ay itatalaga rin sa isang primary care provider o health worker, na siyang magiging paunang kontak ng bawat isa patungkol sa pangangalagang pangkalusugan.

Ani Duque, ang health system ng bansa ay dapat nakatutulong sa bawat Pinoy, hindi lang sa tuwing sila ay may sakit kundi maging sa pang-araw-araw na pamumuhay.

Tiniyak naman ni Duque na kahit nalagdaan na ang IRR ng UHC, tuloy-tuloy pa rin ang pulong ng kanilang technical working groups para masiguro ang maayos na implementasyon nito.

Inaasahan namang tuluyan nang maipatutupad ang batas 15-araw matapos itong mailathala sa mga pangunahing pahayagan sa bansa. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.