IRR NG UNIVERSAL HEALTH CARE LALAGDAAN NA

Francisco Duque III

LALAGDAAN na ngayong Huwebes ng pamahalaan ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Republic Act 11223 o kilala bilang Universal Health Care (UHC) Law.

Ayon kay Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III, ang ceremonial signing ay idaraos dakong 10:00 ng umaga sa isang Hotel sa Pasay City.

Bagama’t naging matipid sa pagbibigay ng detalye hinggil dito, tiniyak naman ni Duque na ilalahad niya sa publiko ang nilalaman ng IRR, sa sandaling ma­lagdaan na ito.

Sinabi ng kalihim na binuo nila ang IRR, base sa serye ng kanilang isinagawang mga konsultasyon sa iba’t ibang sektor sa buong bansa.

Sa sandali aniyang malagdaan, ilalathala sa mga pahayagan ang IRR ng batas sa loob ng 15-araw at magkakaron ng promulgasyon, hanggang sa tuluyan na itong maipatupad.

Sa ilalim ng RA 11223, magkaroon ng health care coverage ang lahat ng mga Filipino, partikular  na ang mga mahihirap.

Nabatid na kabilang sa mga probisyon ng batas ay maging mi­yembro ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang bawat Pilipino at mabigyan ng mga libreng serbisyong-pangkalusugan. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.