POSIBLENG lagdaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte at tuluyan nang maisabatas sa darating na Hunyo ang institutionalized 20-percent student fare discount.
Ito ang inihayag ni Senador Sonny Angara, isa sa mga awtor ng naturang batas.
Kasabay nito, nanawagan ang senador sa Department of Transportation (DOTr) na ihanda na ang implementing rules and regulations (IRR) o mga panuntunan sa pagpapatupad ng nasabing batas sa sandaling pirmahan na ito ng Pangulo.
“Kung sigurado naman tayo na papasa na ang isang batas, dapat ay maging maagap ang ahensiyang magpapatupad nito at bumuo agad ng mga kaukulang panuntunan. Ilang linggo na lang, pasukan na, kaya dapat ay magawa na ang IRR,” ani Angara.
Binigyang-diin ni Angara na ang mga batas na tulad nito ay kailangang klasipikado bilang ‘do not delay’ kaya kailangang handa ang IRR nito para sa agarang pagpapatupad.
“Dapat, mayroong advance writing of IRR para sa mahahalagang batas tulad nito,” wika pa ni Angara.
Layunin ng batas ni Angara na palawakin ang sakop ng student fare na kung dati ay tuwing araw lamang na may pasok, gagawin na itong pang-araw-araw sa buong taon.
Pangunahing layunin ng Senate Bill 1597 na gawing permanente ang fare discount at ipatupad ito sa lahat ng oras kahit pa holiday, weekends o bakasyon ng mga mag-aaral.
Nakasaad sa batas na sinumang lumabag dito ay may kaukulang multa na P5,000 sa unang pagkakataon, P10,000 sa second offense at isang buwang mai-impound ang kanilang sasakyan; P15,000 sa ikatlong paglabag at pagbawi sa kanilang franchise.
“Ang kailangan natin ay batas para masiguro natin na ang 20 percent discount para sa mga mag-aaral ay mananatili kahit sino pa ang mga nakaupo sa LTFRB,” dagdag pa ng senador. VICKY CERVALES
Comments are closed.