NANAWAGAN si Senador Sonny Angara sa pribadong sektor na makibahagi sa pagbuo ng Implementing Rules and Regulations (IRR) para sa pagpapatupad ng Republic Act 11981 o ang Tatak Pinoy (Proudly Filipino) Act.
Bilang pangunahing stakeholders ng Tatak Pinoy Act, ang pribadong sektor, ani Angara, partikular ang mga lokal na kompanya ay may mahalagang papel sa pagsiguro ng maayos na implementasyon ng naturang batas upang matupad ang layunin nitong gawing competitive ang mga industriyang Pinoy.
“Nagsimula nang kumilos ang Tatak Pinoy Council (TPC) sa pagbuo ng IRR ng Tatak Pinoy Act, at handa na ring ipatupad ang isang Tatak Pinoy Strategy (TPS) na magpapalakas sa kakayahan ng batas na ito na matupad ang lahat ng kanyang nilalayon. Kaya’t hinihikayat po natin ang pribadong sektor na makilahok sa prosesong ito dahil sila ang pangunahing benepisyaryo ng naturang batas,” ayon kay Angara.
Pinasalamatan din ni Angara na siyang pangunahing awtor at sponsor ng Tatak Pinoy Act, si Secretary Alfredo Pascual ng Department of Trade and Industry (DTI) matapos nitong pamunuan ang kauna-unahang pagpupulong ng TPC nitong Abril 3, kung saan kanyang tinalakay ang Tatak Pinoy Industrial Policy o TPIP.
Sa kanyang paglalarawan sa TPIP, sinabi ni Pascual na taglay ng programang ito ang mga proyekto at priority initiatives na naglalayong isulong ang economic complexity and diversification, kung saan nakapokus ito sa mga industriya sa bansa na may malaking potensiyal na maging competitive sa pandaigdigang aspeto.
“Kung dati, magkakaiba ng mga ipinatutupad na polisiya ang mga ahensya ng gobyerno. Pero dito sa Tatak Pinoy Act, lahat ng mga polisyang ito, pinagsama-sama o pinag-isa para ang lahat ng magagandang layunin natin para maging ganap na industrialized ay matupad. Ito ay isang whole-of-government, whole-of-country approach. Lahat ay nagtutulung-tulong para mas mapabilis ang pagpapatupad natin sa batas na ito,” ani Angara.
Ang Tatak Pinoy na sinimulang isulong ni Angara mula pa noong 2019 ay naglalayong palakasin ang mga industriya sa Pilipinas upang makalikha ng mas mainam at sopistikadong mga produkto at serbisyo. Sa ganitong paraan, hindi lamang magiging globally competitive ang mga produkto at serbisyong Pinoy, kundi magiging paraan din ito upang mapaunlad ang mga lokal na negosyo at mapataas ang kita ng kani-kanilang mga manggagawa.
“Tiwala tayo na magkakaisa ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno at ang iba pang mga puwersa at sektor na kabilang sa TPC sa pagpapatupad ng Tatak Pinoy Act sapagkat napakaganda ng layunin ng batas na ito na magsisilbing tulay upang tuluyang maging industrialized country ang ating bansa,” anang senador.
Matatandaan na sa kauna-unahang pulong ng TPC, binigyang-diin ni Secretary Pascual na napakahalagang tulungan ang Philippine industries upang mas maging diverse at magawang mas dekalidad ang mga produktong Pinoy na magpapakilala sa Pilipinas sa buong daigdig.
“Bakit nakukuntento na lang tayo sa pag-manufacture at pag-assemble ng mga simpleng produkto at components para sa ibang bansa tapos ay i-import din naman natin? Kaya nating i-produce ang mga ito dito mismo sa sarili nating bansa – kaya itong gawin kahit ng mga lokal na kumpanya o ng multinationals na mananatili rito sa Pilipinas,” pahayag pa ni Angara.
Bukod sa paglikha ng IRR para sa Tatak Pinoy Act, inatasan din ang TPC na itala ang mga produkto at serbisyo ng Pilipinas na dapat bigyang prayoridad sa government procurement process, habang hindi pa lubusang nabubuo ang TP Strategy.
Ang TPC ang magsisilbing policy and advisory body sa Pangulo ng bansa na binubuo ng DTI secretary na uupong chairperson ng konseho; ang Socioeconomic Planning Secretary at ang Finance Secretary bilang vice chairpersons; ang mga kalihim ng Agriculture, Budget and Management, Information and Communications Technology, Interior and Local Government, Labor and Employment, and Science and Technology at apat na iba pang kinatawan ng pribadong sektor bilang miyembro ng TP Council.
Matapos mabuo ang IRR at habang hinihimay pa ang TP Strategy, magsasagawa ng Tatak Pinoy forums sa iba’t ibang malalaking siyudad sa mga rehiyon upang maipabatid sa business groups ang kahalagahan at kapakinabangan ng nasabing batas sa mga negosyo.
“Sa pamamagitan ng Tatak Pinoy, mas malaki na ang oportunidad ng Pilipinas na sa wakas ay mapapabilang na ito sa pinakamalalakas at pinakamalulusog na ekonomiya sa globa. Ang kailangan lang natin ay sama-samang kumilos para samantalahin ang oportunidad na ito at matupad ang ating pangarap. Ito ay para sa mamamayang Pilipino mula ngayong hanggang sa mga susunod pang henerasyon,” dagdag pa ng senador.
Isasagawa ang group discussions/public consultations sa pagbuo ng IRR para sa Tatak Pinoy sa mga sumusunod na petsa:
- Industry associations and businesses: April 11, 2024
Agriculture and manufacturing (10:00 AM to 12NN)
- IT-BPM and services (1:00 PM to 3:00 PM)
- Academe, civil society organizations / non-government organizations, and labor groups: April 12, 2024 (1:00 PM to 3:00 PM)
- Public consultation: April 16, 2024 (1:00 PM to 3:00 PM)
Isasagawa ang konsultasyon sa DTI Regional Operations Group Multi-purpose Conference Room, 6/F. DTI Main Building, 361 Sen. Gil J. Puyat Ave., Makati City.
VICKY CERVALES