ISA NA LANG SA ATENEO

ateneo

Mga laro sa ­Miyerkoles:

(Mall of Asia Arena)

12 noon – NU vs UST (Women Finals)

2:30 p.m. – Individual Awards (Men/Women)

4 p.m. – UST vs Ateneo (Men Finals)

NAGPASABOG si Thirdy Ravena ng 32 points nang madominahan ng Ateneo ang University of Santo Tomas, 91-77, upang lumapit sa korona sa UAAP men’s basketball tournament kahapon sa harap ng 19,176 fans sa Smart Araneta Coliseum.

Walang dungis sa 15 laro, ang  Ateneo ay hindi kinakitaan ng panga­ngalawang matapos ang 16-day break, kung saan umabante sila ng hanggang 23 points upang kunin ang 1-0 kalama­ngan sa serye.

“I’m a big believer in preparation,” wika ni Eagles coach Tab Baldwin.

Umaasa ang Ateneo na maging unang koponan sa kasaysayan na nagtala ng 16-0 sa season sa pamamagitan ng isa pang panalo sa Game 2 na nakatakda sa Miyerkoles, alas-4 ng hapon, sa Mall of Asia Arena.

Batid na hindi basta susuko ang Growling Tigers makaraang malusutan ang tatlong step-ladder semifinals matches, kailangan ng Blue Eagles na kumayod pa upang makamit ang kanilang ultimate goal.

“This is a must-win game for us. We know we are in for another tough game in Wednesday,” ani Baldwin.

“Teams that Aldin coaches they never quit, they never back down,” dagdag pa niya.

Tumipa si  Ivorian Ange Kouame ng double-double 18 points at 12 rebounds, habang naitala ni SJ Belangel ang lahat ng kanyang 12 points sa 3-point area para sa Ateneo, na hindi nalamangan sa laro.

Tinapos ng Eagles ang first half sa pamamagitan ng 13-1 run, tampok ang tatlong tres ni Belangel makaraang makalapit ang Tigers sa 38-41 sa likod ng maiinit na kamay ni Mark Nonoy.

“We played bad, we played really bad,” wika ni UST coach Aldin Ayo.

Si Nonoy lamang ang kuminang para sa Tigers na may 26 points sa kanyang unang Finals game.

“Mark Nonoy’s obviously a problem. He played a tremendous game. That’s very courageous. I got a lot of respect for that,” sabi ni Baldwin.

Iskor:

Ateneo (91) –Ravena 32, Kouame 18, Belangel 12, Mamuyac 9, Navarro 6, Nieto Mi. 5, Nieto Ma. 5, Wong 3, Daves 2, Andrade 0, Go 0, Maagdenberg 0, Mallillin 0.

UST (77) – Nonoy 26, Paraiso 14, Chabi Yo 13, Subido 8, Cansino 4, Abando 3, Concepcion 3, Ando 2, Bataller 2, Huang 2.

QS: 32-17, 54-39, 76-58, 91-77

Comments are closed.