Laro sa Biyernes:
(Filoil Flying V Centre)
3 p.m. – Ateneo vs NU (Jrs Finals)
NAGING matatag sina National University big boys Carl Tamayo at Kevin Quiambao laban kina Ateneo twin towers Kai Sotto at Geo Chiu nang muling madominahan ng Bullpups ang Blue Eaglets, 70-58, upang makalapit sa pagkopo ng UAAP Season 81 juniors championship kahapon sa Filoil Flying V Centre.
Tumipa si Tamayo ng 15 points at 12 rebounds mula sa bench habang kumamada si Kevin Quiambao ng double-double outing na 14 points at 13 boards, at 3 assists para sa NU.
Sisikapin ng Bullpups na masakmal ang ika-4 na titulo sa walong seasons sa isa pang panalo sa Game 2 sa Biyernes, alas-3 ng hapon, sa San Juan Arena.
Sa paglapit sa pagkopo ng kanyang unang UAAP high school crown, nasiyahan si NU coach Goldwin Monteverde sa paraan ng pagresbak ng kanyang tropa sa second half.
Naghabol sa 25-30 sa break, nagpasabog ang Bullpups ng 28 points sa third period bago pinangalagaan ang kalamangan hanggang sa huli.
“’Yung first half nagmamadali sila sa execution. Siguro sobrang excited ang mga player. Mabuti na lang at nakabawi kami sa second half,” wika ni Monteverde.
Gumawa sina Gerry Abadiano at Terrence Fortea ng tig-11 points para sa NU.
Naitala ni Sotto ang 10 sa kanyang game-high 16 points sa third period subalit nakagawa lamang ng dalawang puntos- pawang sa foul line – sa payoff period, at nakalikom ng 15 points, 5 blocks at 3 assists para sa Ateneo.
Kumana rin si Chiu ng double-double na may 12 points at 11 boards, habang nagdagdag si JC Fetalvero ng 11 points, 9 mula sa three-point area.
Umangat ang Bullpups sa 3-0 laban sa Eaglets ngayong season.
Iskor:
NU (70) – Tamayo 15, Quiambao 14, Abadiano 11, Fortea 11, Gonzales 9, Felicilda 9, Torres 1, Dayrit 0, Alarcon 0, Javillonar 0, Mailim 0.
Ateneo (58) – Sotto 16, Chiu 12, Fetalvero 11, De Ayre 7, Diaz 5, Padrigao 4, Espinosa 2, David 1, Jaymalin 0.
QS: 14-11, 25-30, 53-45, 70-58
Comments are closed.