ISA NA LANG SA CAVS, CELTICS

UMISKOR si LeBron James sa huling sandali upang ihatid ang Cleveland Cavaliers sa 105-103 panalo laban sa bumibisitang To­ronto Raptors at kunin ang 3-0 ben­tahe sa kanilang Eastern Confer­ence semifinal series noong Sabado ng gabi sa Quicken Loans Arena.

Nagbuhos si Kevin Love ng 21 points at 16 rebounds at ginapi ng fourth-seeded Cleveland ang Toronto sa ika-9 na sunod na pagkakataon sa postseason. Kumana si Kyle Kor­ver ng apat na 3-pointers habang gu­mawa ng 18 points, tumipa si George Hill ng 12 points at nag-ambag si Jeff Green ng 11 para sa Cavaliers.

Kumamada si Kyle Lowry ng 27 points at 7 assists para sa top-seeded Raptors, na isang talo na lamang ay masisibak na ng Cleveland sa playoffs sa ikatlong sunod na season.

Malamig ang gabi ni sidekick De­Mar DeRozan na may walong puntos lamang sa 3-of-12 shooting at hindi naglaro sa final quarter.

Nakatakda ang Game 4 sa Lunes sa Cleveland.

CELTICS 101, 76ERS 98

Naisalpak ni Al Horford ang game-winning layup, may 5.5 seg­undo ang nalalabi sa overtime, nang matakasan ng bumibisitang Boston Celtics ang Philadelphia 76ers, 101- 98, noong Sabado at kunin ang 3-0 kalamangan sa Eastern Conference semifinal series.

Tumawag ang 76ers ng timeout, matapos ang basket ni Horford. Sa sumunod na inbounds play, naagaw ni Horford ang pasa ni Ben Simmons at bumuslo ng dalawang free throws. Nagmintis si Marco Belinelli sa isang desperation 3-pointer habang paubos ang oras upang selyuhan ang resulta.

Nagwagi ang Boston sa unang dalawang laro ng serye sa home, kung saan tinalo nito ang Philadelphia, 117- 101, sa Game 1 at 108-103 sa Game 2 noong Huwebes. Ang Celtics ay 36-0 sa franchise history kapag abante sa playoff series sa 2-0.

Wala pang koponan na nanalo sa best-of-seven series makaraang malugmok sa 0-3.

Gaganapin ang Game 4 sa Lunes ng gabi sa Philadelphia.

Comments are closed.