ISA NA LANG SA CELTICS; 2-1 SA CLIPPERS

celtics vs raptors

ANIM na Celtics ang umiskor ng double figures, sa pangunguna ni Jaylen Brown na may 27 points, nang madominahan ng Boston ang Toronto Raptors,  111-89, noong Lunes ng gabi upang kunin ang 3-2 lead sa kanilang best-of-seven Eastern Conference semifinal series sa Orlando.

Nagdagdag sina Kemba Walker ng  21 points, Jayson Tatum ng 18 at  10 rebounds, Brad Wanamaker at Daniel Theis ng tig-15 at Marcus Smart ng 12 para sa Celtics, na bumawi mula sa dalawang sunod na talo matapos na masayang ang 2-0 lead sa series.

May pagkakataon ang Boston na kunin ang conference-finals berth sa pamamagitan ng panalo sa Game 6 sa Miyerkoles (US time).

Tumipa si Fred VanVleet ng 18 points upang pangunahan ang Raptors, na hindi nakatikim ng kalamangan sa laro at humabol ng hanggang 30 points.

Maagang lumayo ang Celtics kung saan nalasap ng Raptors ang isa sa kanilang pinakamasamang scoring playoff quarters sa franchise history. Angat ang Boston sa 18-5 makalipas ang 8 1/2 minutes at nagsimula ang Toronto sa 2-of-14 mula sa field.

Tinapos ng Raptors ang quarter sa 4-for-20, at naghabol sila sa 25-11. Naipasok nila ang isa sa siyam na tira mula sa 3-point range.

Lumobo ang kalamangan ng Boston sa 46-25 sa 3-pointer ni Tatum, may 4:55 ang nalalabi sa second. Umabot ang kalamangan sa 28 bago ang halftime, at pumasok ang Celtics sa break na angat sa 62-35 makaraang ma-beat ni Walker ang buzzer sa pamamagitan ng isang floater.

Nanguna si Brown para sa  Boston na may 16 first-half points.

Samantala, walang Raptors players ang nagtala ng double figures. Bumuslo ang Toronto ng 13 of 43 (30.2 percent) sa half at 4 of 18 mula sa 3-point range (22.2 percent). Napantayan ng 27-point deficit ang second worst sa playoff franchise history nito.

Para sa laro, na-outshoot ng Celtics ang Raptors, 49.4 percent sa 38.8 percent. Naipasok ng Boston ang 24 sa 27 free throws habang gumawa ang Toronto ng 11 of 13.

CLIPPERS 113,  NUGGETS 107

Nakalikom si Paul George ng 32 points, at binago ng Los Angeles Clippers ang ihip ng hangin sa fourth quarter para sa 113-107 win laban sa Denver Nuggets sa Western Conference semifinals.

Nagdagdag si Kawhi Leonard ng 23 points, 14 rebounds at 6 assists para sa Clippers, na angat sa kanilang best-of-7 series sa 2-1.

Matapos ang confidence-boosting win sa Game 2, nakontrol ng Denver ang halos buong Game 3, salamat sa playmaking ni Nikola Jokic at sa mahusay na play ni Michael Porter Jr.

Subalit nag-rally ang Clippers sa fourth at binura ang 97-90 deficit sa pamamagitan ng 8-0 run upang umabante ng isang puntos sa 7:01 mark ng quarter.

Naisalpak nina George at Lou Williams ang back-to-back 3-pointers sa stretch, bago ang 12-3 burst ng Los Angeles na nagpalobo sa kalamangan sa 111-103, may 1:17 ang nalalabi.

Tinapyas ng Nuggets ang  deficit sa 4, subalit kinapos na sa oras para makumpleto ang paghahabol.

Comments are closed.