ISA NA LANG SA GINEBRA

ginebra vs tnt

LUMAPIT ang Barangay Ginebra sa pagsikwat ng All-Filipino Cup crown matapos pataubin ang kulang sa taong TnT squad, 98-88, sa Game 4 ng best-of-seven finals kagabi sa AUF Gym sa Angeles City, Pampanga.

Naglaro na wala ang kanilang leading scorer na si Ray Parks, nawala sa TNT si Jayson Castro sa kaagahan ng third quarter makaraang lumala ang iniindang knee injury.

Sinamantala ng Gin Kings ang pagkawala ng key players ng Tropang Giga upang kunin ang krusyal na panalo at ang 3-1 lead sa serye.

Sumandal ang Ginebra kay L.A. Tenorio na kumana ng walong puntos sa huling 2:19 minuto at nilapatan ni Scottie Thompson ang final score sa pamamagitan ng steal. Nagbuhos si Tenorio ng 22 points, 6 assists at 3 steals upang tanghaling ‘best player of the game’.

Ipinakita ng Kings ang kanilang ‘deadly form‘ na hindi namalas sa Game 3, dahilan para tambakan sila ng Tropang Giga.

Lumapit ang TnT sa 77-83 sa likod ng 13-2 run, may 6:24 ang natitira sa fourth quarter. Nag-panic si coach Tim Cone at tumawag ng timeout para  bigyan ng mahalagang instruction ang kanyang tropa.

Sa pagkawala ng key players ng TnT ay kinuha ni Roger Pogoy ang scoring responsibility kung saan tumapos siya na may 34 points.

Maaaring kunin ng Ginebra ang pinakaaasam na korona sa Game 5 sa Miyerkoles sa parehong venue.

“We will try and do our best to finish the series on Wednesday. Hopefully, we’ll make it,” sabi ni Cone na nagtatangka sa kanyang ika-23 PBA title magmula pa noong 1991.

“Although we lead the series, we’ll not be complacent and play our best out there  to end the series and avoid playing full seven games,” dagdag ni Cone. CLYDE MARIANO

Comments are closed.