ISA NA LANG SA JAZZ; WIZARDS BUHAY PA

jazz vs grizzlies

KUMANA si Donovan Mitchell ng 30 points upang pangunahan ang Utah Jazz sa 120-113 panalo laban sa Memphis Grizzlies at kunin ang 3-1 series lead sa kanilang NBA Western Conference first round playoff series.

Ang Jazz, ang No. 1 seed sa West, ay nanalo ng tatlong sunod sa best-of-seven series at isang panalo na lang ang kailangan para umabante sa second round.

Nagbigay rin si Mitchell ng 8 assists habang nagdagdag si  Jordan Clarkson ng 24 points mula sa bench para sa Utah at kumabig si Rudy Gobert ng  17 points at 8 rebounds.

Nagbida si Ja Morant para sa Memphis na may 23 points at 12 assists.

WIZARDS 122,

76ERS 114

Nagbuhos si Bradley Beal ng 27 points at nakaiwas ang host Washington Wizards sa pagkakasibak nang maitakas ang 122-114 panalo kontra  Philadelphia 76ers sa Game 4 ng kanilang Eastern Conference first-round series.

Naipasok ni Russell Westbrook ang 3 lamang sa 19 tira upang tumapos na may 19 points, subalit nakakolekta rin siya ng 21 rebounds at 14 assists. Ito ang 12th career triple-double ni Westbrook sa playoffs.

Ang kampanya ng Philadelphia para sa kanilang unang  postseason sweep magmula noong 1991 ay napigilan nang magtamo si Joel Embiid ng sore right knee kasunod ng masamang pagbagsak sa isang drive sa basket sa first quarter. Ang four-time All-Star center ay tumapos na may 8 points at  6 rebounds makaraang magpasabog ng career playoff-high 36 points sa  132-103 panalo ng Sixers sa Game 3.

Nakakolekta si  Rui Hachimura ng 20 points at 13 rebounds at nagdagdag si Robin Lopez ng 16 points mula sa bench para sa Wizards, na bibisitahin ang Philadelphia para sa Game 5 sa Miyerkoles.

Naitala ni Davis Bertans ang 12 sa kanyang 15 points sa first quarter bago inilabas sa third quarter dahil sa right calf strain.

Nagsalansan si Tobias Harris ng 21 points at 13 rebounds para sa top-seeded 76ers, na nagtatangka sa kanilang unang sweep magmula nang sibakin ang Milwaukee sa isang best-of-five, first-round series noong 1991.

Tumapos si Ben Simmons na may 13 points at 12 rebounds matapos na maharap sa foul trouble.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *