LUMAPIT ang San Beda University sa ikatlong sunod na NCAA crown makaraang padapain ang Lyceum of the Philippines University, 73-60, sa Game 1 ng Season 94 finals kahapon sa Mall of Asia Arena.
Sinamantala ng Red Lions ang pagkawala ni Lyceum star CJ Perez kung saan maaga nilang kinontrol ang laro at lumamang ng hanggang 27 points, at pagkatapos ay inapula ang mainit na paghahabol ng Pirates sa huling anim na minuto.
Sa panalo ay kinuha ng Red Lions ang 1-0 bentahe sa best-of-3 series, at isa na lang ay masasakmal na nila ang ika-11 kampeo-nato sa huling 13 seasons ng liga.
“Even without CJ, we only beat them by 13 points,” wika ni San Beda coach Boyet Fernandez. “We really have to control the tempo. We can’t play up and down against Lyceum.”
Nagbuhos si Javee Mocon ng 14 points at 10 rebounds, habang nagdagdag si Donald Tankoua ng 10 points at 16 rebounds para sa defending champions.
Nanguna si Mike Nzeusseu para sa Pirates na may 16 points at 15 rebounds.
Sinamantala ng Red Lions ang 19 errors ng Pirates, kung saan umiskor sila ng 21 points mula rito.
Babalik para sa Lyceum si Perez sa Lunes, Nobyembre 12, sa Game 2 ng finals kung saan sisikapin nilang maitabla ang serye at makahirit ng rubber match.
Iskor:
San Beda (73) – Mocon 14, Bolick 12, Doliguez 11, Tankoua 10, Cabanag 8, Canlas 6, Oftana 4, Presbitero 3, Nelle 3, Cuntapay 2, Soberano 0, Abuda 0, Eugene 0, Tongco 0, Carino 0.
Lyceum (60) – Nzeusseu 16, Marcelino JC 13, Marcelino JV 13, Ayaay 9, Caduyac 5, Valdez 2, Yong 2, Ibanez 0, Pretta 0, Santos 0, Tansingco 0, Serrano 0, Lumbao 0.
QS: 19-9, 43-22, 59-39, 73-60
Comments are closed.