ISA NA LANG SA TIGRESSES

TIGRESSES

Mga laro sa ­Miyerkoles:

(Mall of Asia Arena)

12 noon – FEU vs NU (Men Finals)

4 p.m. – Ateneo vs UST (Women Finals)

NAGING sandigan ng University of Santo Tomas si Sisi Rondina nang walisin ang Ataneo, 25-17, 25-16, 25-20, upang lumapit sa pagkopo ng kanilang ika-15 korona sa UAAP Season 81 women’s volleyball tournament kahapon sa Smart Araneta Coliseum.

Bukod sa pagkuha ng 1-0 lead sa best-of-three series, winakasan ng  Tigresses ang seven-year, 14-match losing streak laban sa Lady Eagles sa harap ng 17,682 fans na pumuno sa makasaysa­yang Big Dome.

“Maganda ito sa morale ng mga bata. We just play for the present. Naging masaya kami sa outcome ng laro. Pinag-aralan namin kung saan kami makalusot sa Ateneo considering na No. 1 blocking team sila sa tournament natin. Kakayanin namin kasi No. 1 scoring team kami sa league, we have the best spikers in the league,” wika ni coach Kungfu Reyes.

“Masaya ang mga dilawan ngayon kasi UST kami,” nakangi­ting pahayag ni Reyes.

Kumana si  Rondina, ang soon-to-be crowned season MVP na sa wakas ay nanalo laban sa Ateneo sa kanyang collegiate career, ng 23 points, kabilang ang dalawang blocks sa opening set, 12 digs at 5 receptions.

“Gagawin ko ang lahat para maibalik ang korona para sa España,” ani Rondina. “Sobrang focus lang ako. Wala akong iniisip kundi laro lang.”

Nakatakda ang Game 2 sa Miyerkoles, alas-4 ng hapon, sa Mall of Asia Arena.

Comments are closed.