ISA NA LANG SA ‘TROPA’

Laro sa Biyernes:
(Araneta Coliseum)
Game 6, best-of-7 finals
5:45 p.m. – San Miguel vs TNT

SINANDIGAN ni Kelly Williams ang Talk N Text sa 102-93 panalo laban sa San Miguel Beer sa Game 5 ng PBA Philippine Cup best-of-seven finals kagabi sa Araneta Coliseum.

Nagpasabog si K. Williams, sa edad na 40 ay pinakamatandang player sa finals, ng conference-high 21 points sa 4-of-6 clip mula sa long distance at nagdagdag ng 9 rebounds, 3 assists, at 2 steals upang tulungan ang Tropang Giga na kunin ang 3-2 bentahe sa serye at lumapit sa matagumpay na title defense.

Kumana ng 4-of-6 clip mula sa three-point area, isinalpak ni K. Williams ang key buckets sa bandang huli upang pigilan ang Beermen na makumpleto ang paghahabol.

Naghabol ang Beermen ng hanggang 11 points sa fourth quarter bago sila sumandal kina Mo Tautuaa at Jericho Cruz upang makalapit sa 91-95, wala nang tatlong minuto ang nalalabi.

Ngunit umiskor ang TNT ng limang sunod na puntos sa sumunod na dalawang possessions, tampok ang tres ni K. Williams para sa 100-91 bentahe tungo sa pagkontrol sa championship series.

Nanguna si Mikey Williams para sa Tropang Giga na may 23 points kung saan pinamunuan niya ang TNT makaraang magtamo si Jayson Castro ng ankle sprain sa third quarter.

Nagdagdag si Poy Erram ng 17 points, 7 rebounds, at 3 blocks mula sa bench, habang nakakolekta si Roger Pogoy ng 14 points at 6 rebounds.

Tumapos pa rin si Castro na may 8 points at 2 steals sa loob ng 15 minuto bago nagtamo ng injury nang matapakan si San Miguel guard Marcio Lassiter, may 8 minuto ang nalalabi sa third quarter.

Muling nanguna si June Mar Fajardo para sa Beermen na may 20 points at 16 rebounds.

CLYDE MARIANO

Iskor:
TNT (102) – M. Williams 23, K. Williams 21, Erram 17, Castro 8, Rosario 6, Pogoy 5, Khobuntin 4, Marcelo 4, Montalbo 3, Ganuelas-Rosser 2.
San Miguel (93) – Fajardo 20, Cruz 16, Tautuaa 12, Perez 10, Manuel 10, Ross 9, Enciso 6, Brondial 6, Lassiter 4.
QS: 24-28, 53-50, 84-75, 102-93.