KINUMPIRMA ng Department of Foreign Affairs (DFA) na may isa pang tripulanteng Filipino ang nakaligtas sa lumubog na cargo ship sa karagatan ng Japan.
Ang 30-anyos na Pinoy ay nakitang sakay ng isang balsa at palutang-lutang sa dagat.
Ayon sa DFA, nasagip ang Pinoy na tripulante ilang kilometro ang layo mula Kodakarajima, isang remote island sa timog-kanluran ng Japan.
Hindi muna pinangalanan ng DFA ang nasabing Pinoy na ikalawa sa 43 tripulante na nailigtas ng Japanese Coast Guard mula nang magpadala ang Panamanian-flagged vessel Gulf Livestock 1 ng distress call nitong Miyerkoles, 115 miles kanluran ng Amami Oshima Island.
Unang nasagip ng Japanese Guard Ilang oras nang matanggap ang distress call ang Filipino chief officer ng barko na si Eduardo Sareno, 45-anyos.
Batay sa video na inilabas ng Japanese Coast Guard, makikita ang pagsagip kay Sareno habang palutang-lutang sa karagatan.
Nagpapagaling si Sareno sa ospital at nasa mabuti ng kalagayan.
Comments are closed.