NADAGDAGAN pa ang mga Pinoy na posibleng maideklara bilang santo ng Simbahang Katolika.
Ito’y matapos na isang madreng Pinay na naman ang ideklara ni Pope Francis bilang ‘venerable’ o ‘kagalang-galang.’
Ayon sa Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), kinilala ng Santo Papa si Mother Francisca Del Espiritu Santo De Fuentes, na founder ng Dominican Sisters of St. Catherine of Siena, bilang venerable dahil sa pagsasabuhay nito ng Christian virtues.
Inianunsiyo ng Vatican ang desisyon ng Santo Papa nitong Sabado, Hulyo 6, lamang.
Nabatid na ang pagiging venerable ang unang pangunahing hakbang patungo sa sainthood o pagiging santo ni Mother Francisca, na namatay sa Maynila noong 1711.
Kinakailangan munang kilalanin ng Santo Papa ang mga milagro ng Pinay na madre upang maisailalim siya sa beatipikasyon, na siyang ikalawang hakbang naman sa sainthood.
Matapos na maisalalim sa beatification, kinakailangan pa muna ng isa pang milagro para tuluyang maisailalim sa kanonisasyon.
Ayon sa CBCP, mahabang proseso ang pagiging santo at posibleng abutin ng dekada upang tuluyang makumpleto.
Nabatid na Disyembre 2002 nang simulan ang path to sainthood ni Mother Francisca.
Matatandaang nitong Hunyo, una na ring idineklara ni Pope Francis ang isa pa madreng Pinay na si Dominican Mother Maria Beatriz del Rosario Arroyo bilang venerable. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.