ISA PANG OPISYAL NG FUJIFILMS, PINAARESTO NG KORTE SA KASONG ESTAFA

NAGPALABAS kamakailan ng warrant ang Regional Trial Court ng Pasig City Branch 268 upang arestuhin ang isang mataas na opisyal ng Fujifilms Singapore, si Atul Agrawal, bilang kasabwat umano sa kasong estafa na isinampa ng Sunfu Solutions Inc.

Nauna nang nag-isyu ng warrant of arrest ang korte sa iba pang opisyal ng Fujifilms na sina Ryo Nagaoka, Eric Koh, Anil Jacob John, Dinesh Mehra, John Paul Camarillo, at Evan Reyes sa parehong kaso ng estafa.

Ang naturang kaso ay nakabatay sa First-Tier Distributorship Certification (Certificate No. OFWHDC_008), na umano ay inisyu noong Enero 6, 2022 ni Ryo Nagaoka, isang Hapones at Presidente ng Fujifilm Philippines, Inc., para sa Sunfu Solutions, Inc. Ibinigay sa Sunfu Solutions ang naturang Certificate upang makasali ito sa bidding ng isang procurement project para sa hospital equipment ng Department of Labor and Employment (DOLE). Subalit kalaunan ay nag-isyu din ang Fujifilms Phil. ng kaparehong certificate sa ibang bidder, na ayon sa Sunfu Solutions ay isang indikasyon ng intensiyon nitong manlinlang, at naging dahilan upang madiskwalipika ang Sunfu Solutions, Inc. sa procurement project. Ang nangyaring diskwalipikasyon, ayon sa paratang, ang naging resulta ng panlilinlang ng mga opisyales ng Fujifilms na nagsimula sa pag-isyu ng naturang Certificate.

Sa ngayon ay sumuko na sina John Paul Camarillo at Evan Reyes na kaagad namang nagpiyansa upang pansamantalang makalaya, subalit nananatiling at large si Ryo Nagaoka na pumuslit ng bansa matapos maisampa ng city prosecutor ng Pasig ang kasong estafa sa korte.

Bukod sa warrant of arrest na inisyu ng korte kay Atul Agrawal, pinanindigan din ng korte na tama at nararapat ang Hold Departure Order na nauna nitong ipinalabas laban kay Nagaoka na dumulog sa korte upang ipawalang-bisa ito dahil nasisikil umano ang kakayahan niyang gampanan ang kanyang mga tungkulin na nangangailangan ng regular na pagbiyahe sa labas ng bansa.

Ikinatwiran ng korte na sa sitwasyong hindi pa sumusuko si Nagaoka at hindi pa ito nagpapiyansa, may pangangangailangan na matiyak na masasakop siya ng hurisdiksiyon ng korte.

Magpapatuloy ang bista ng korte upang matiyak ang pananagutan ng mga akusadong sumuko na.

Lilitisin ng korte kung may ebidensiyang magpapatunay na nagkutsaba ang mga akusado upang mandaya at maperwisyo ang Sunfu Solutions Inc. Magiging kritikal sa paglilitis ang kahalagahan ng distributorship certification, kasama na ang motibo ng mga akusado sa pag-isyu nito.

Sinasabing nakasalalay sa kasong ito ang isyu ng etika ng mga korporasyon na nagnenegosyo, kasama na ang nararapat na pananagutan ng mga opisyal na binabalewala o isinasantabi ang mga batas at regulasyon upang kumita sa anumang paraan.