ISA PANG PASLIT PATAY SA MENINGO

meningococcemia

ISA pang paslit ang iniulat na namatay  dahil umano sa meningococcemia sa Bicol habang isang dalagita naman na mula sa Batangas ang isinugod sa San Lazaro Hospital bunsod ng hinalang dinapuan rin ito ng naturang karamdaman.

Batay sa naglabasang ulat, kinumpirma na umano ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM), na isang 3-taong gulang na batang lalaki ang  binawian ng buhay dahil umano sa meningococcemia sa Bicol Medical Center (BMC) noong Setyembre 28.

Ayon umano kay Dr. Dana Marie de Asis, pediatrician ng BMC, nakitaan ng mga nagkulay ube na rashes ang bata, na namatay sa loob ng isang araw.

Nakuhanan rin umano ito ng tubig sa likod at sa resulta ng bacterial review ay bacterial meningitis ito ngunit wala pa namang anumang official statement hinggil dito ang Department of Health (DOH).

Samantala, kinumpirma  ni Dr. Eduardo Janairo, ang regional director ng DOH-Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon), na isa pang suspected case ng meningococcemia ang isinugod sa San Lazaro Hospital nitong Huwebes ng umaga upang malapatan ng lunas.

Ito na aniya ang ikalimang suspected case ng meningococcemia na naitala nila sa Batangas.

Ayon kay Janairo, isa itong 16-anyos na dalagita, na mula sa Nasugbu at kasalukuyan pa itong under observation.

Kukuhanan nila ng specimen ang pasyente upang maipasuri at matukoy kung kumpirmadong meningococcemia ang sakit nito.

Nauna rito, kinumpirma na ng RITM na isang 53-anyos na babae mula rin sa Tanauan City, Batangas ang binawian ng buhay dahil sa naturang sakit.

Ang babae, na nagtungo sa Dubai at umuwi sa bansa noong Mayo, ay nakitaan ng sintomas ng sakit nitong nakaraang buwan lamang at binawian ng buhay noong Setyembre 21.

Bukod sa kanya, may tatlo pang suspected meningococcemia cases mula sa Batangas, ngunit hinihintay pa ng DOH ang resulta ng ginagawang pagsusuri ng RITM sa mga blood samples na kinuha sa mga pasyente upang matukoy kung kumpirmadong meningococcemia ang sanhi ng ikinamatay ng mga ito.

Inaasahang mailalabas ng RITM ang resulta ng pagsusuri sa susunod na linggo. ANA ROSARIO                    HERNANDEZ

Comments are closed.