KINUMPIRMA ng Department of Foreign Affairs (DFA) na isa pang Pinoy ang namatay sa pag-atake ng militanteng grupong Hamas sa Israel.
Gayunman ay hindi muna pinangalanan ni Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo ang namatay na Pinoy sa pakiusap na rin ng pamilya ng biktima.
“Out of respect for the wishes of the family, we shall be withholding details on the identity of the victim. But we have assured the family of the government’s full support and assistance,” wika ni Manalo sa isang post.
Sa isang radio interview nitong Huwebes, sinabi ni DFA Undersecretary Ed de Vega na ang ika-4 na Filipino victim sa Israel ay isang caregiver.
Ayon kay De Vega, ang biktima ay isa sa tatlong Pinoy na nawawala nang atakihin ng Hamas ang Gaza noong October 7. Ang tatlong iba pang Pinoy na nasawi sa Hamas attack ay sina Angeline Aguirre, isang nurse; Paul Vincent Castelvi, isang caregiver, at Loreta Alacre, isa ring caregiver.
Nasa 30,000 Pilipino ang nagtatrabaho sa Israel, karamihan ay caregivers at nurses.