INIULAT ng Department of Health (DOH) na isa pang pasyente na itinuturing na patient under investigation (PUIs) dahil sa posibilidad na nagtataglay ito ng 2019 novel coronavirus acute respiratory disease (2019-nCoV ARD) infection, ang binawian na rin ng buhay kamakalawa.
Sa isang press briefing nitong Biyernes ng hapon, sinabi ni Health Undersecretary at Spokesperson Eric Domingo, na ang PUI ay natukoy na binawian ng buhay dahil sa pneumonia na may underlying restrictive lung disease at nakumpirma lamang ito kahapon.
“The second PUI death which was confirmed yesterday is a case of pneumonia in a patient with underlying restrictive lung disease,” ayon kay Domingo.
Bukod dito, wala naman nang iba pang detalyeng ibinigay hinggil sa ikalawang PUI death ang DOH.
Matatandang iniulat ng DOH kamakailan na ang unang PUI death ay isang 29 anyos na Chinese national mula sa Wuhan, China, na namatay sa pneumonia, Immuno compromised at nagpositibo sa sakit na HIV ang naturang PUI.
Ayon sa DOH, ang dalawang PUIs na binawian ng buhay, ay kabilang sa 215 PUIs na natukoy nila, at kinabibilangan din ng tatlong confirmed cases, na ang isa ay namatay na rin.
Nasa 57 na sa kanila ang nagnegatibo sa virus, ngunit 17 pa lang ang na-discharge na ngunit under strict monitoring pa rin.
Ang 155 naman sa kanila ay naghihintay pa ng laboratory results.
Sa mga PUIs, 184 ang naka-admit at isolated na at siyam ang tumangging magpa-admit at dalawa ang namatay.
“Of the PUIs, 184 are currently admitted and isolated, 9 have refused admission, 17 have been discharged under strict monitoring, while 2 have died of other causes,” anang DOH.
“The first PUI death is a case of pnuemonia in an immunocompromised patient while the 2nd PUI death is a case of pneumonia in a patient with underlying restrictive lung disease.”
441 CONTACTS NG 2 KASO NG NCOV NATUKOY NA
Inihayag ng DOH na sa kasalukuyan ay natukoy na nila ang lahat ng 441 contacts ng una at ikalawang kaso ng 2019 nCoV ARD sa bansa.
Sa naturang bilang, 379 ang pasahero at crew ng flights na sinakyan nila, habang 62 ang mula sa hotels/resorts, pagamutan, public vehicles at iba pang lugar na binisita anila.
Sa mga natuntong contacts, 203 ang naka-home quarantine dahil asymptomatic o walang sintomas ng sakit habang 32 ang itinuring na PUIs matapos na makitaan ng sintomas.
Ang natitira pang 206 sa contact tracing ay natukoy na rin umano ng DOH, ngunit hindi pa nakakapanayam ng kanilang mga tauhan dahil sa maling contact information.
Humihingi naman na umano sila ng tulong sa PNP at local authorities upang matunton ang mga ito.
Para naman sa ikatlong confirmed nCoV case, na isang 60-year old na Chinese woman na gumaling at nakabalik na ng China, natukoy na ang 106 contacts nito, kabilang ang 90 co-passengers at 16 indibiduwal mula sa hotel at pagamutan na pinagdalhan sa kanya.
Sa kasalukuyan ay 22 contacts na umano niya ang na-interview ng DOH at naisailalim sa home quarantine, habang apat na symptomatic contacts ang itinuring na PUIs.
Samantala, iniulat rin ni Duque na nananatili pa ring nasa stable condition ang 38-anyos na Chinese woman, na unang nCoV case sa bansa, at nag-negatibo na sa sakit ang huling pagsusuri sa kanya.
Gayunman, hindi pa rin ito pinapayagang makalabas ng pagamutan dahil kinakailangan na dalawang magkasunod na pagsusuri na mag-negatibo siya sa virus bago tuluyang i-discharge.
“First nCoV case is still stable. ‘Yung latest set niya is negative already, but we need two consecutive negative results before we discharge the patient,” ani Domingo, sa isang press briefing nitong Biyernes ng hapon. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.