ISA PANG PULIS PINASUSUKO VS MISSING SABUNGEROS

ISANG dating pulis ang hinihikayat ngayon ng Philippine National Police na sumuko na at magbigay linaw sa kanilang partisipasyon sa kaso ng mga nawawalang sabungero.

Kinilala ang nasabing dating pulis na si Roy Navarrete na kasamahan umano ng dalawang pulis na sumuko nitong nakalipas na Linggo sa PNP -Integrity Monitoring and Enforcement Group (PNP-IMEG) Team 4-A.

Ayon kay PNP-IMEG Director Police BGen. Warren de Leon, payapang sumuko sina Pat. Rigel Brosas at Staff Sergeant Daryl Paghangaan.

Matapos ang maikling negosasyon ay kusang sumuko ang dalawa matapos na isilbi ang warrant of arrest kaugnay sa umano’y pagkakasangkot ng mga ito sa pagdukot sa isang e-sabong master agent sa Laguna noong nakaraang taon na umano’y ninakawan pa ng P10 milyon.

Lumabas sa pagsisiyasat na nagpanggap na mga tauhan ng National Bureau of Investigation ang tatlong pulis ng dukutin si Ricardo Lasco sa bahay nito sa San Pablo, Laguna noong Agosto 30, 2021.

Kabilang sa mga kinasuhan ng robbery at kidnapping sina Staff Sergeant Daryl Paghangaan, Pat. Roy Navarrete at Pat. Rigel Brosas, pawang nakatalaga sa Provincial Intelligence Branch (PIB), Laguna Police Provincial Office.

Nahaharap ang dalawang pulis sa kasong kidnapping, serious illegal detention na walang kaukulang piyansa na inirekomenda bukod pa sa kasong at robbery with violence charges na kanilang kinakaharap.

Na-relieve ang mga ito sa puwesto kasama ang isa pang police officer dahil sa mga kasong kanilang kinasasangkutan. VERLIN RUIZ