NADAGDAGAN ang bilang ng mga senador na positibo sa coronavirus disease ( COVID-19).
Ito ay makaraang ihayag ni Senador Sonny Angara na positibo na rin siya sa COVID-19.
Si Angara ang pangatlong senador na nagpositibo sa nasabing virus kasunod nina Senators Migz Zubiri at Koko Pimentel.
Ayon kay Angara kahapon lamang niya nakuha ang test result at lumabas nga na positibo siya sa nasabing virus.
Anang senador, nakaranas umano siya ng ilang sintomas tulad ng mild fever, ubo, pananakit ng ulo at panghihina ng katawan.
“I regret to announce that today, March 26, I received my test result and it is positive for COVID- 19. I have been feeling some symptoms like mild fever, cough, headaches and general weakness,” pahayag ni Angara
Gayunpaman, nilinaw ng senador na hindi na siya nakisalamuha sa publiko bago sumailalim sa test noong Marso 16.
Humihingi rin ng panalangin si Angara na malampasan ng sambayanan ang pagsubok na nararanasan.
Samantala, matapos na magpositibo ang ilang kasamahang senador at kongresista ay muling sumailalim na rin sa self quarantine sina Senate President Vicente Sotto III at Senador Bong Go.
Ayon kay Go, protocol na mag-self quarantine ang isang indibidwal na may exposure sa isang tao na COVID 19 positive kaya wala siyang choice kundi sumunod sa alituntunin.
Kaugnay rin nito, magpahayag ng pasasalamat si dating senador Bong Bong Marcos sa mga nag-alala na kung saan tiniyak nito na nasa mabuti siyang kalagayan.
Ani Marcos, nananatili lamang siya sa bahay at naka-self quarantine habang hinihintay ang resulta ng kanyang COVID 19 test. VICKY CERVALES
Comments are closed.