TAWI-TAWI – APAT na araw makaraang tambangan si Trece Martires, Cavite Vice Mayor Alexander Lubigan, isa pang bise alkalde ang tinambangan ngayong buwan.
Sa sketchy report mula kay Police Regional Office 9 director Chief Supt. Billy Beltran, kinilala ang napaslang na si Hadji Alrashid Mohammad Ali y Lipae, 52-anyos, may asawa at bise alkalde sa bayan ng Sapah.
Naganap ang pamamamaril kay Ali bandang alas-5:00 ng hapon sa Gobernor Alvarez Street.
Lulan ang biktima sa kanilang sasakyan kasama ang kanyang misis at security escort at patungo sana sa bayan ng Tetuan nang barilin ng lone gunman.
Sinamantala ng salarin na nakahinto ang sinasakyang Toyota Innova dahil sa matinding trapiko sa lugar at naglakad na lumapit saka pinagbabaril ang bise alkalde.
Tatlong tama ng punglo sa dibdib ang sanhi ng kamatayan ni Ali.
Si Ali ang ikalawang bise alkalde na tinambangan sa panahon ni Pangulong Rodrigo Duterte habang ikaapat na local government unit executives ngayong buwan.
Sa datos, 10 nang alkalde ang napapaslang sa termino ni Pangulong Duterte simula June 30, 2016 habang isa lamang dito ay negosyo ang motibo sa pagpatay, partikular kay Gen. Tinio, Nueva Ecija Mayor Ferdinand Bote. EUNICE C.
Comments are closed.