KUNG sinasabing maraming kababaihan sa bansa ang biktima ng pananakit at pambubugbog ng kanilang mga mister, marami ring lalaki ang kumpirmadong biktima ng “domestic violence at verbal abuse” ng kanilang maybahay.
Base sa mga pag-aaral, aabot sa 24 porsiyento ng mga lalaki ang nakararanas ng domestic violence sa buong mundo at kabilang ang Filipinas sa dumarami na ring kaso ng mga lalaking inaabuso ng kanilang mga asawang babae.
Kabilang ang Filipinas, tinatayang isa sa bawat apat na kalalakihan ang nagiging biktima ng pag-abuso mula sa kanilang mga asawa sa buong mundo.
Sinasabing karamihan sa mga ito ang nakararanas ng physical at emotional abuse gayundin ng pangangaliwa kaya panahon na rin umano para lumikha ng batas kontra domestic violence against men.
Magugunitang isinusulong ni Rizal 2nd District Representative Fidel Nograles ang pagrepaso sa Anti-Violence Against Women and their Children Act of 2004 at gawing Anti-Violence Against Partners.
Layunin ng panukalang batas na mabigyan ng proteksiyon mula sa mapang-abusong relasyon hindi lamang ang mga kababaihan kundi maging ang mga kalalakihan.
Bukod sa pangangaliwa ng mga kababaihan, marami na rin umanong mga mister ang nakararanas ng pisikal at emosyonal na pang-aabuso kaya paano umano kung ang mga lalaki naman ang naging biktima nito gaya ng mga battered husband.
Katunayan, sa RA 9262 na nilikha para supilin ang domestic violence, tanging ang mga babae at bata lang ang saklaw at hindi nabanggit ang mga lahi ni Adan na makararanas ng bagsik ng lahi ni Eba. VERLIN RUIZ
Comments are closed.