KINUMPIRMA kahapon ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin ‘Benhur’ Abalos Jr. na sumuko na sa mga awtoridad ang suspek sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo na itinuturing na isa sa ‘main players’ sa krimen.
“We welcome the report of the surrender of at least one of the other suspects,” ayon kay Abalos, na siya ring pinuno ng Special Task Force Degamo, sa isang joint press conference kahapon.
Sinabi ni Abalos na ang suspek ay nasa kustodiya na ngayon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at nakatakdang i-turn over sa National Bureau of Investigation (NBI).
Ani Abalos, ang suspek ay pinaniniwalaang may hawak na kritikal na impormasyon at isa sa mga main players sa pagpatay kay Degamo.
Pinapalakas umano ng salaysay nito ang mga naunang testimonya ng iba pang testigo sa krimen, na una na ring sumuko sa mga otoridad.
“We were told that the suspect has vital and critical information that we hope will pave way for the resolution of this case the soonest possible time,” ani Abalos.
Nakatakda aniyang i-validate ang mga pahayag ng naturang suspek upang matiyak kung totoo ang mga sinabi nito.
“He knows other people involved and the information he told us corroborated with the statements given by others who were earlier arrested,” ayon naman kay Justice Secretary Boying Remulla.
Kaugnay nito, tiniyak naman ni Abalos na handa ang DILG na pagkalooban ng tulong at proteksiyon ang mga pamilya ng mga biktima, sakaling kailanganin ito.
Inililista na rin aniya nila ang mga lugar kung saan mayroong mga private armed group bilang antisipasyon sa barangay elections na nakatakdang idaos sa Oktubre 30.
Muli ring tiniyak ni Abalos na ginagawa ng pamahalaan ang lahat upang mabigyan ng hustisya si Degamo, gayundin ang mga pamilya ng iba pang biktima na nadamay sa krimen.
Muling nanawagan ang kalihim sa iba pang taong sangkot sa krimen na sumuko na.
“The mastermind seems to have no conscience. Fear for your lives, baka kayo pa ang ipapatay nito,” apela pa ni Abalos.
Kabilang sa dumalo sa naturang pulong balitaan ay mga kinatawan ng mga member agencies ng Task Force Degamo, kasama ang PNP, AFP, DOJ, DILG, DND, NICA, at NBI.
Samantala, inihayag naman ni Special Joint Task Force Negros spokesperson Major Cenon Pancito III may apat na suspek na lamang ang kanilang tinutugaygayan .
Ito ay kasunod ng deklarasyon na nakuha na nila ang anim sa sampung suspek na kanilang nakilala base sa mga nakalap na CCTV footages sa paligid ng pinangyarihan ng krimen matapos ang isinagawang pagsalakay sa bahay ni Governor Degamo.
Sinabi pa ni Abalos na nasa 30 reklamo ang kanilang inihain laban sa mga tinuturong suspek nasa likod ng pagpatay Degamo at walong iba pa.
EVELYN GARCIA/ VERLIN RUIZ