ISA SA PIÑOL CLAN NAGPOSITIBO SA COVID-19

Agriculture Secretary Manny Piñol-4

CENTRAL MINDANAO- INAMIN ng pamilya Piñol na nagmula sa kanilang angkan ang isa sa mga nagpositibo sa COVID-19 na naitala mula sa Kidapawan City.

Sa isang post mula sa official Facebook page ni Mindanao Development Authority (MinDA) Secretary Manny Piñol, ang naturang 20-anyos na pasyente ay ang ikalawang anak ni dating Board Member Socrates Piñol na si Shane Matthew Piñol.

Ayon kay Sec. Piñol, isa umanong frontliner si Shane na isa sa mga sumusundo sa mga Locally Stranded Individuals (LSIs) at Overseas Filipino Workers (OFWs) na umuuwi sa probinsiya sa pamamagitan ng Task Force Sagip Stranded ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cotabato.

Aniya, posibleng nakuha ng binatang Piñol ang naturang sakit.

Kusang I-prinesenta umano ni Shane ang kanyang sarili matapos malamang nagpositibo sa isinagawang test at dinala sa isolation facility.

Nilinaw naman sa naturang post na hindi umano nakasalamuha ni Shane ang iba pang miyembro ng pamilya Piñol.

Aniya, mag-isa umano itong nakatira sa isang tahanang malapit sa provincial capitol kung saan ito nagtatrabaho at sa katunayan pa nga raw ay hindi ito nakadalo sa selebrasyon ng pamilya noong Father’s day.

Nagsasagawa na ng contact tracing ang Provincial Inter-Agency Task Force sa mga posibleng nakasalamuha ni Shane at nananawagan sa mga kaibigan at katrabaho nito na nakasalamuha na I-presinta ang kanilang sarili sa mga health authorities. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM