ISA TODAS, 3 SUGATAN SA ITINANIM NA BOMBA

DAVAO CITY- BLANGKO pa ang mga pulis sa kakikilanlan at motibo ng suspek na nagtanim ng sumabog na improvised explosive device kamakalawa ng gabi sa Barangay Calinan Poblacion, Calinan District sa lalawigang ito.

Sa ulat nang Davao City PNP , isang lalaki ang nasawi habang tatlong iba pa ang malubhang nasugatan sa pagsabog ng bomba sa isang restobar sa Roman Diaz St. sa Barangay Calinan, Poblacion.

Lumilitaw sa inisyal na imbestigasyon ng Calinan Municipal Police station na bago ang pagsabog ay may nakita silang nagliliwanag na bagay sa may bintana ng Restobar.

Nilapitan umano ng isa sa mga biktima ang nakitang puting cellophane bag na may tila apoy sa loob na nakalagay sa may bintana ng establisimiyento.

Sinasabing, sinubukan ng biktima na tingnan ang nasabing nagliliyab na bagay subalit bago pa niya malapitan ay biglang sumabulat ang plastic bag.

Agad na isinugod sa Southern Philippines Medical Center ang mga biktima para malapatan ng lunas subalit isa sa kanila ang agad na binawian ng buhay.

Kasalukuyang inoobserbahan pa ang tatlong nasabugan at inaalam na ng mga imbestigador ang uri ng pampasabog na ginamit ng mga hindi pa nakikilalang salarin.
VERLIN RUIZ