ISABELA – INIREKOMENDA ni Provincial Administrator Atty. Noel Manuel R. Lopez ang pagsasailalim sa state of calamity ng buong Isabela na kaagad namang sinang-ayunan ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC).
Una rito, nagsagawa ang PDRRMC ng assessment upang matukoy ang lawak ng pinsalang dulot ng nagdaang mga bagyo sa probinsiya kabilang ang mga bagyong Kristine, Nika, Ofel, at Pepito.
Inilahad ng Office of the Provincial Agriculturist na aabot sa kabuuang 55,367 na magsasaka ang apektado matapos masira ang kanilang mga pananim na mais, palay, cassava, high-value crops, at palaisdaan, na may kabuuang halaga na higit sa P3 bilyon.
Umabot naman sa P32,888,000 ang halaga ng nasirang mga provincial infrastructure project sa Isabela, na kinabibilangan ng mga tulay, kalsada, at mga gusali, ayon sa ulat ng Office of the Provincial Engineer.
Mahigit P8 milyon naman ang halaga ng mga pinsala sa mga alagang hayop dulot ng mga nagdaang bagyo.
Nakapagtala rin ang Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) ng pinsalang iniwan ng mga nagdaang bagyo kung saan, nasa 159 totally damaged na kabahayan at 1,205 bahagyang napinsala.
Tiniyak naman ng Department of Trade and Industry (DTI) na mahigpit nilang babantayan ang pagpapatupad ng price freeze sa mga pangunahing bilihin sa probinsiya alinsunod sa naturang deklarasyon.
Ang rekomendasyon ng PDRRMC ay kaagad na isusumite sa Sangguniang Panlalawigan ng Isabela para sa pagpapasa ng resolusyon na naglalayong ideklara ang buong probinsya sa state of calamity.
EVELYN GARCIA