ISABELA ISINAILALIM NA RIN SA STATE OF CALAMITY

ISABELA

BAGAMAN nakamit ang zero casualties goal, isinailalim na sa state of calamity ang Isabela dahil sa malawakang pinsala ng Bagyong Ompong sa mga tanim na palay at mais ng mga magsasaka.

Sa kanyang pagharap sa mga pinuno at kawani ng panlalawigang kapitolyo kahapon ng umaga ay lubos na nagpasalamat si Gov. Faustino “Bojie” Dy III sa mga ahensiya na nakiisa sa mahigpit na paghahanda kaya nakamit ng Isabela ang zero casualty tulad ng Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP), Bureau of Fire Protection (BFP), Department of the Interior and Local Government (DILG), Local Government Units (LGUs) at mga opisyal ng barangay.

Sinabi ni Dy na hini­ling niya kay Pangulong Rodrigo Duterte sa kanilang pakikipagharap sa kanya sa kanyang pagdalaw kahapon sa lungsod ng Tuguegarao na matulungan ang mga magsasaka na napinsala ang mga tanim na palay at mais.

Ayon kay Dy, sa partial damage report ni provincial agriculturist Angelo Naui ay umabot na sa P3.5 billion ang halaga ng pinsala sa mga tanim na palay at mais.

Sa mais ay 60,000 hectares ang napinsala na may katumbas na ha­lagang P1.6 billion habang sa palay ay 61,000 hectares na aabot sa P1.9 billion.

Samantala, halos lahat ng mga lugar sa Isabela ay naibalik na ang daloy ng suplay ng koryente. PMRT

Comments are closed.