ISABUHAY ANG MGA ARAL SA NAGING SAKRIPISYO NG PANGINOONG HESUS | Pilipino Mirror Pilipino Mirror
alex santos

ISABUHAY ANG MGA ARAL SA NAGING SAKRIPISYO NG PANGINOONG HESUS

MAHALAGANG bahagi ng ating buhay bilang isang bansa ang Semana Santa.

Magsisimula ito sa Linggo ng Palaspas (Abril 14), at magtatapos sa Linggo ng Pagkabuhay (Abril 21).

Lahat na yata ng ating nakasanayang aktibidad ay suspendido sa panahong ito.

Ang mga taga-Metro Manila naman, uuwi sa mga lalawigan sakay ng pampasaherong bus o pribadong sasakyan, barko, at eroplano.

Kaya pagsapit ng Huwebes Santo, ang aliwalas at luwag ng karaniwan nang siksikang mga kalsada sa Kalakhang Maynila ay nakakapanibago.

Break muna sa trabaho ang karamihan ng mga tanggapan ng gobyerno at mga pribadong opisina, pati ang transaksiyon sa mga bangko, at klase sa mga paaralan o kaya’y summer classes.

Wala ring operas­yon ang ilang shopping malls at iba pang establisimiyento, aktibidad sa sports, at maging ang pangangampanya para sa halalan sa susunod na buwan.

Bukas (Abril 14), magpapabendisyon ng kanilang mga palaspas ang mga Katoliko habang nariyan ang pag-awit ng Pabasa sa maraming bayan sa bansa.

Pansamantala namang papalitan ng malalamyos na musika at mga pelikulang relihiyoso ang mga karaniwang programa sa mga radyo at telebisyon.

Magkakaroon ng “Visita Iglesia” ang mga deboto sa Huwebes Santo, dadalo sa misa para sa Huling Hapunan ng Panginoon, at siyempre, magkakaroon ng Pag­huhugas ng mga Paa.

Kung hindi tayo nagkakamali, mayroong Banal na Komunyon sa mga simbahang Evangelical habang guguni­tain ang Biyernes Santo sa mga sermon tungkol sa Pitong Huling Salita ni Kristo sa krus.

Sa ilang bayan naman, partikular na sa Pampanga, Bulacan, at Nueva Ecija, hahampasin ng mga nagpepe­nitensiya ang kanilang likuran habang aktuwal na magpapapako sa krus ang ilan.

Sa panahong ito, handa naman daw ang Philippine National Police (PNP) para sa seguridad ng publiko.

Sinasabing magpapakalat ang PNP ng libo-libong pulis sa Metro habang prayoridad ng Highway Patrol Group (HPG) ang mga pangunahing kalsada.

Tututukan  ang mga pantalan, terminal, pa­liparan, mga mall at iba pang matataong lugar at may ilalatag na mga police assistance desk na maaaring takbuhan ng publiko sakaling magkaroon ng problema.

Naka-full alert pa rin ang puwersa ng pulisya.

Wala naman daw namo-monitor na banta sa seguridad sa Metro.

Sa totoo lang, hindi lang mga pulis ang dapat maging bahagi ng paghahandang ito.

Bilang mamamayan, tungkulin natin na ma­kibahagi sa mga paghahanda at hanggang sa mismong araw ng paggunita.

Maging mapagmat­yag sa anumang banta at simulan ang disiplina sa ating mga sarili, pamilya at komunidad.

Dapat iginagalang ang Semana Santa o Mahal na Araw at hindi dapat sinasamantala para sa kawalanghiyaan.

Mahalagang ipakita rin sa araw-araw ang mabubuting gawain, gaya ng pagtulong sa kapwa, pagpapakain sa nagugutom, pagdamay at iba pa.

Tandaan na ang pagtulong ay hindi dapat ginagawa lamang tuwing Holy Week.

Gaya nga ng madalas na ipinanawagan ni Pope Francis, dapat ipamalas ang pananampa­lataya sa pagpapakita ng awa at pagtulong sa mga pinakanangangailangan nito.

Isabuhay ang mga aral sa naging sakripisyo ng Panginoong Hesus ngayong Semana Santa.

o0o

Si Alex Santos ay broadcaster sa mga programa ng DWIZ 882 tulad ng Ratsada Balita tuwing alas 6 ng umaga; IZ Balita Nationwide Pang-umagang edisyon (7am-8am) at kasaluku­yang host ng Public Service program sa PTV 4 ang KILOS PRONTO, tuwing alas-4 y medya hanggang alas-5 y med­ya ng hapon, Lunes hanggang Biyernes. Mapanonood ni’yo rin ako sa PTV NEWS araw-araw dakong alas-6 ng gabi. Ipadala ang inyong komento at reaksiyon sa lupaxsantos1@yahoo.com o puwede niyo akong i-follow sa twitter account @iamalexsantos

0

POST A COMMENT

Your email address will not be published. Required fields are marked *

ADS