HINDI pa tapos ang mango season sa Pilipinas.
Kaya kahit saan, nakakabili tayo ng murang mangga.
Hangga’t hindi natatapos ang panahon ng mangga, makikita sa palengke at supermarkets ang maraming hinog at manibalang na mangga.
Ang prutas na ito ay may pinakamaraming vitamin A at beta-carotene na siyang nagbibigay ng dilaw na kulay nito.
Ayon nga sa mga eksperto, bagay daw ang mangga para maiwasan ang panunuyo ng balat at maagang pagkulubot ng balat.
Tumutulong ito para makaiwas tayo sa pagkawala ng paningin dahil sa night blindness, optic nerve atrophy at iba pa.
Sagana ito sa vitamin B, vitamin K, at vitamin E.
Bunga ng taglay nitong potassium at sodium na posibleng tumutulong sa pagbaba ng presyon ng dugo, bagay na bagay ito sa puso.
May sangkap itong magnesium, copper, iron, at maraming fiber kaya maganda sa pagtitibi at mga sintomas ng irritable bowel syndrome.
May nakukuha ring pectin dito na makatutulong para bumaba ang kolesterol at maiwasan ang colon at prostate cancer.
Ngunit nahaharap pala sa matinding hamon ang mga magsasaka ng mangga.
Ayon kay Sen. Cynthia Villar, presiding chairperson ng Senate Committee on Agriculture and Food, target nitong mas palakasin pa ang local mango industry na kilalang nagpo-produce ng “best-tasting mangoes” sa mundo.
Gayunman, malaki raw pala ang problema ng AANI Mango Industry Association Inc. dahil hindi organisado ang kanilang plantasyon tulad ng banana at pineapple industries, maliban sa mga peste.
Ang Pilipinas ay nasa ika-10 puwesto sa hanay ng mango production sa daigdig.
Pinakamasarap ang ‘carabao’ variety natin na tinatangkilik ng international market at kilala bilang ‘Manila Super Mango’.
Bumabagsak nga lang daw ang produksiyon ng mangga sa bansa dahil sa iba’t ibang peste, sakit, poor nutrient at water management.
Hindi pa raw ito nakakasunod sa makabagong teknolohiya na nagiging dahilan upang tumaas pa ang postharvest losses.
Ang pinakamatinding problema raw nila ay ang mango twig borer [MTB] at cecid fly o mas kilala bilang ‘kurikong’, ang dalawang pinaka-seryosong peste sa mangga.
Talagang hindi maitatatwa na ang kurikong ang isa sa mga pinaka-mapaminsalang peste na umaatake sa bunga ng mangga sa bansa na nagdudulot ng malaking pagkalugi sa industriya.
Kinakain ng mga peste ang mga bunga na nagreresulta sa kulay itim na mala-tuldok na pagkasira hanggang sa tuluyan nang mabulok.
Nawa’y ma-adopt ng mga magsasaka natin ang Good Agricultural Practices para tumaas naman ang kanilang ani at makapag-produce ng de-kalidad na prutas.
Malaking bagay rin ang High Value Crops Development Program ng Department of Agriculture (DA) para maresolba ang mga problemang kinakaharap ng ating mga magsasaka.