ISALBA ANG TAWILIS

Magkape Muna Tayo Ulit

PARA sa katulad ko na kinalakihan ang isdang tawilis, nakalulungkot na malaman na ang isa sa masasabi natin na uri ng isda na makikita lamang sa Filipinas ay nanganganib na maubos o mawala na nang tuluyan sa mundo. Ito ay batay sa ulat ng International Union for the Conservation of Nature (IUCN) na isinama nila ang sari ng Sardinella Tawilis o tinatawag din na Bombon Sardines sa listahan ng mga endangered species.

Isa sa pinakapaborito kung ulam ay ang pritong tawilis. Lalo na kung maganda ang pagkaprito nito at malutong sabay sa sawsawan ng suka na may toyo at si­ling labuyo. Kasabay nito ay ginisang monggo at mainit na kanin. Talo-talo na itong pangtangha­lian o panghapunan. Subalit dahil sa nasabing ulat ng IUCN, tila hindi ko na madalas na matitikman ang paborito kong ulam.

Ang uri ng Sardinella ay kadalasang makikita lamang sa tubig alat. Kaya ang mga sardinas ay nahuhuli lamang sa karagatan. Subalit ayon sa mga teyorya, ang tawilis noon ay makikita sa dalampasigan at karagatan ng Balayan Bay sa Batangas. Ngunit noong tatlong siglong nakaraan, pumutok ang Bulkang Taal na nagdulot sa paggawa ng isang lawa o dagat-dagatan. Nakulong ang uri ng tawilis dito na tawag natin ngayon ay Taal Lake. Dahil dito, nagbago at umakma ang nasabing isda upang mabuhay sa tubig tabang. Kaya ang tawilis ay makikita lamang sa Taal Lake.

Noong araw ay napakarami ang tawilis sa Taal Lake. Ang huli ng mga mangingisda noon ay sagana. Umaabot ang tawilis sa Visayas at Mindanao. Katunayan, ang tawag sa tawilis sa Visaya ay tunsoy nguni’t hindi mo mahahanap ang tawilis kahit saan man sa Filipinas. Sa Taal Lake sa lalawigan ng Batangas lamang.

Hindi kataka-taka ang mga dahilan kung bakit nanganganib na ang tawilis. Unang dahilan ay  ang ‘over fishing’. Tila walang regulasyon ang ating pamahalaan sa paghuli ng tawilis. Wala kasing regulasyon sa sukat ng laki ng tawilis. Kaya maski na maliit o bata pa ang edad ng isda ay nilalambat nila. Aba’y talaga namang mauubos nga ang tawilis dahil dito. Sa ibang bansa, mahigpit sila rito. May sukat ang mga butas ng lambat upang ang mga bata o maliliit na isda ay makalusot sa lambat at may pagkakataon para lumaki at makapagsilang pa ng kanilang uri upang patuloy ang paglaganap nila.

Ang isa pang dahilan, ayon sa IUCN, ay ang polusyon ng Taal Lake. Tulad din sa nangyayari sa Manila Bay, ang walang habas na pagtapon ng basura at dumi sa dagat ay nag­resulta sa kawalan ng marine life sa Manila Bay. Dahil sa paglaki ng populasyon sa paligid ng Taal Lake, kasunod nito ay ang pagdami rin ng mga itinatapon na ba­sura at dumi rito. Mabuti pa ang Manila Bay, may lusutan ito sa West Philippine Sea. Samantala ang Taal Lake ay wala. Ang pagdami rin ng mga resort at kabahayan sa paligid ng Taal Lake ay maaari ring sanhi ng pagsira ng paglaganap ng tawilis.

May batayan ang IUCN upang isama ang tawilis sa endangered species. Ang laki raw ng ibinawas ng populasyon ng tawilis simula noong 1998. At halos 49% daw ang bawas ng huli sa nakaraang 10 taon.

Huwag sanang balewalain ng pamahalaan ang ulat ng IUCN,  lalo na ang DENR. May mandato silang protektahan ang tawilis. Tulad ng Tamaraw na makikita lamang sa Filipinas sa isla ng Mindoro, nagsikap ang pamahalaan kasama ang pribadong sektor upang matagumpay na palaganapin muli ang Tamaraw na nanganib noon na mabura ang lahi sa mundo.

May panahon pa upang maisalba ang tawilis ng hindi ito mabura sa mundo. Kailangan lamang ay magsakripisyo muna tayong lahat na huwag hulihin at kumain ng tawilis. Hayaan muna na ito upang manganak at dumami ulit. Oo nga pala, ano na rin ba ang nangyari sa isdang Maliputo na makikita rin lamang sa Taal Lake? Kilala ang Maliputo sa sarap ng lasa nito. Mahirap na ring makahuli ng Maliputo. Sana ay mabigyang-pansin din ito.

Comments are closed.