ISAMA NA SA CURRICULUM ANG DISASTER RISK AWARENESS

NATAPOS na ang summit kaugnay sa conference sa Disaster Risk Reduction at natupad ang nais ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magkaroon ng pulong para labanan ang epekto ng climate change.

Dito naman sa Pilipinas, inihirit ng isang mambabatas sa mga kandidato sa May 2025 elections na maging bahagi ng kanilang plataporma ang pagtugon sa disaster resilience at climate change

At upang maging aware ang mga kabataan, dapat makasama rin sa curriculum ng mga estudyante ang disaster risk awareness.

Dapat ding magsimula sa Department of Education ang inisyatiba na makasama sa pinag-aaralan sa klase ang disaster response.

Bahagi nito ang gumawa ng mo­dule ang DEPED para bigyan ng tamang kaalaman ang mga kabataan sa epekto ng mga kalamidad at paano ito maiiwasan lalo’t ang Pilipinas ay isa sa mga bansang matin­ding hinahagupit ng bagyo at iba pang kalamidad.

Sa record, minamandato ng environmental awareness and education law na naging batas noon pang 2008 na dapat magkaroon ng environmental education sa mga pribado at pampublikong eskwelahan sa lahat ng level

Kung todo ang pagbibigay ng pagtutok sa Disaster Risk Awareness, maiiwasan ang malaking dagok ng mga sakuna.

Inaasahan din na mababawasan ang bilang ng mga nabibiktima.

Sinimulan na ni PBBM na i-convene ang lahat, sana ay ikasa na rin sa mga paaralan at mga plataporma ng mga kandidatong hangad na maglingkod.