NAGPAALALA ang Commission on Elections (Comelec) na may hanggang bukas pa, Oktubre 5, ang mga partido at grupo na nagnanais na lumahok sa gagawing local source code review sa automated election system na gagamitin sa National and Local Elections (NLE) sa Mayo 13, 2019.
Sa isang paskil sa kanilang Facebook page, sinabi ng Comelec na ang mga written request ay maaring ipadala, kasama ang mga kinakailangang requirements, sa email address na [email protected] hanggang Oktubre 5 lamang.
“The COMELEC Local Source Code Review Committee will continue to receive requests to participate in the #LSCR until 5 October,” anang Comelec.
“Send your email requests, with attached requirements, to localsourcecodereview at comelec.gov.ph,” dagdag pa nito.
Setyembre 28 ang unang itinakdang deadline sa pagsusumite ng written request ng mga interesadong partido at grupo na nais mag-eksamin sa naturang source code ngunit kalaunan ay ipinasyang palawigin pa ito hanggang bukas.
Nauna rito, kinumpirma ni Comelec Spokesperson James Jimenez na nakatakdang isailalim sa source code review ng mga eksperto sa automated election system na gagamitin nila sa nalalapit na halalan.
Ayon kay Jimenez, layunin ng review na matiyak na may integridad at walang daya ang mga makinang gagamitin sa naturang halalan.
“The local source code review is an important requirement of the automation law, as it hopefully assures stakeholders and the general public that there are no hidden instructions lurking in the codes that tell the vote counting machines how to work,” paliwanag pa ni Jimenez.
Inaasahan aniyang masisimulan ang source code review sa susunod na linggo na isasagawa ng mga lokal na eksperto. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.