ANG pagpasa ng House Bill 10483, na nagbibigay ng prangkisa sa Benguet Electric Cooperative (BENECO) para sa susunod na 25 taon, ay isang mahalagang hakbang tungo sa patuloy na pag-unlad ng probinsya ng Benguet at Lungsod ng Baguio.
Sinasabing sa gitna ng mga hamon ng modernong panahon, nananatili ang BENECO bilang isang huwarang kooperatiba na nagsusulong ng abot-kayang koryente para sa bawat mamamayan.
Sa loob ng maraming taon, hindi maikakaila ang mga tagumpay ng BENECO sa larangan ng energization.
Mula sa mga pagkilala ng National Electrification Administration (NEA) hanggang sa mga prestihiyosong parangal mula sa Philippine Rural Electric Cooperatives Association (PHILRECA), ipinakita ng BENECO na kaya nitong isakatuparan ang misyong maghatid ng de-kalidad na serbisyo sa mga kababayan natin.
Ang kanilang mababang singil sa koryente, na kinilala bilang pinakamababa sa grid noong 2017, ay patunay sa kanilang pagsusumikap na maging abot-kaya at epektibo sa kanilang operasyon.
Ang prangkisang ipinagkaloob sa BENECO ay higit pa sa isang pormalidad. Ito ay isang pagkilala sa kanilang hindi matatawarang serbisyo at dedikasyon sa mga mamamayan ng Benguet at Baguio.
Nabatid na sa loob ng susunod na 25 taon, inaasahan ang patuloy na pag-angat ng kalidad ng serbisyong elektrikal sa rehiyon, kasabay ng patuloy na pagpapabuti ng kanilang operasyon at serbisyo.
Ang tagumpay na ito ay bunga ng sama-samang pagsisikap ng mga lider sa Kongreso, kasama sina Deputy Minority Leader Presley De Jesus, Rep. Mark Go at Rep. Eric Yap, na nagtataguyod ng interes ng kanilang mga nasasakupan.
Ang kanilang patuloy na suporta sa mga panukalang batas na naglalayong mapabuti ang serbisyong elektrikal sa rehiyon ay isang hakbang tungo sa mas maliwanag na kinabukasan.
Gayundin, ang mga inisyatiba tulad ng “Project Balik-Eskwela 2024” na pinangunahan ng Young Leaders of the North at iba pang mga kasamahan ay nagpapakita ng malasakit at dedikasyon ng mga kabataan at mga lokal na organisasyon sa pagtulong sa ating mga kabataan. Ang kanilang pagsisikap na maghatid ng tulong sa mga mag-aaral, sa kabila ng mga hamon ng distansya at paglalakbay, ay isang inspirasyon sa lahat.
Ang pagpasa ng prangkisa ng BENECO ay hindi lamang isang tagumpay para sa kooperatiba kundi isang tagumpay para sa buong komunidad ng Benguet at Baguio. Ito ay simbolo ng ating kolektibong hangarin na magtagumpay ang bawat isa sa ating mga kababayan, lalo na ang mga nangangailangan.
At sa patuloy na pakikipagtulungan ng lahat ng sektor, makakasiguro tayo na ang bawat pamilyang Pilipino ay magkakaroon ng maliwanag na kinabukasan.