(Isang buwan bago ang pinalawig na deadline) 100.2M SIM CARDS REHISTRADO NA

NASA 100.2 million subscriber identity modules (SIMs) ang nakarehistro na sa kani-kanilang telecommunications service providers, eksaktong isang buwan bago ang deadline ng pinalawig na SIM registration, ayon sa Department of Information and Communications Technology (DICT).

Sa panayam sa Super Radyo dzBB, sinabi ni DICT Assistant Secretary for Cybersecurity and Upskilling Jeffrey Ian Dy na ang naturang bilang ng registered SIMs ay malaki na at naabot na ang kanilang soft target.

“Sa ngayon, nakaka-100,200,000 na tayo na registered SIM cards. Although this is like 60%, 59.67% ng total SIM cards na nabili, tingin namin significant na ‘yung number na ‘yan at nakaabot na tayo doon sa ating tinatawag na soft target,” aniya.

Sa ilalim ng SIM Card Registration Act, ang mga user ay may 180 araw, o hanggang April 26, 2023 para iparehistro ang kanilang SIMs o ma-deactivate ito.

Gayunman ay pinalawig ng pamahalaan ng 90 araw o hanggang July 25, 2023. ang SIM registration period para mabigyan ng sapat na panahon ang mga hindi pa nakapagpaparehistro na magparehistro.

“Wala po ‘tong extension. Kahit gustuhin man namin, wala na dahil sa batas…Ito na ‘yung last. Matapos ang July 25, the next day, July 26, mapuputol ang iyong koneksyon kapag ang SIM card mo ay hindi rehistrado,” dagdag ni Dy.