NOONG ika-25 nitong buwan, naglunsad ang Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) ng isang pagtitipon upang ipaalala na isang buwan na lang ang natitira bago mag-umpisa ang pinakamahalagang torneo ng basketball sa buong mundo, ang FIBA World Cup. Magaganap ito mula ika-25 ng Agosto hanggang ika-10 ng Setyembre ng taong ito.
Maliban sa Pilipinas, ang bansang Indonesia at Japan ay kalahok din sa pag-host ng nasabing torneo. May 32 na bansa ang makikipagtunggali para sa kampeonato ng 2023 FIBA World Cup. Subalit ang Pilipinas ang tampok na bansa kung saan gaganapin ang championship.
Ang Pilipinas din ang host para sa FIBA World Congress, kung saan mahigit na 200 national federation na kasapi ng FIBA ang bibisita sa ating bansa. Kaya abalang abala ang organizing committee ng SBP sa preparasyon upang matiyak ang matagumpay na pag-host ng FIBA World Cup.
Maliban dito, napapaligiran din ng drama at intriga ang preparasyon ng Gilas Pilipinas. Nagkaroon kasi ng isyu kung si NBA superstar Jordan Clarkson ay makakasama sa koponan ng Gilas. Dagdag pa sa intriga ng mga ilang basketbol fans na mas gusto nila kay Justin Brownlee ng Barangay Ginebra imbes na si Clarkson ang maglaro sa Gilas Pilipinas. Napatunayan daw ni Brownlee ang kanyang galing matapos manalo ng gintong medalya ang Pilipinas sa basketbol laban sa mga magagaling na banyagang manlalaro ng Cambodia noong nakaraang SEA Games. Subalit sa kabilang dako naman, si Jordan Clarkson ay isang sertipikadong NBA superstar.
Muntikan na hindi maglaro si Clarkson para sa Gilas dahil sa hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng coaching staff ng Gilas at sa kampo ni Clarkson sa iskedyul ng kanyang pagsama sa praktis ng Gilas.
Mabuti na lang at ang presidente ng SBP na si Al Panlilio ang namagitan upang maayos ang nasabing gusot sa dalawang kampo. May magandang kinalabasan naman ang pamamagitan ni Panlilio at handa na ang Gilas Pilipinas na mag ensayo nabg husto bago ang kanilang laban sa susunod na buwan.
Hindi biro ang napakalaking kaganapan na ito. Ang ating pamahalaan ay kasangga ng SBP dito upang tiyakin ang maayos at matagumpay na pag-host ng ating bansa.
Matatandaan, huling nag-host ang Pilipinas noong 1978. Ang tawag pa rito ay FIBA Basketball World Cup. 14 na bansa lamang ang kalahok dito. Ang Pilipinas ay ika-8 puwesto at ang nag kampeon noon ay ang dating bansang Yugoslavia. Ikalawang pwesto ay ang dating Soviet Union. Ang USA ay nasa ika-limang pwesto lamang.
Magandang balikan din natin na noong 1978, si Ferdinand E. Marcos ang ating pangulo noon nga tayo ang nag-host ng FIBA World Cup. Ngayong 2023, ang kanyang anak na si Ferdinand R. Marcos Jr. naman ang ating pangulo.
Inaasahan na darating si Pangulong Bongbong Marcos sa opening ng FIBA World Cup.
Handa na ba tayo? Puwes, dapat ay tangkilikin ng sambayanan ang malaking kaganapan na ito. Panoorin natin sila.
Ang mga sikat na basketbolista sa buong mundo ang dadalo sa torneong ito. Dagdag pa rito ay ang matagumpay na pag-host ng ating bansa ay malaking tulong din sa paglakas ng ating ekonomiya. Daang libong mga turista ang dadagsa rito. Ito na ang malaking pagkakataon na may maiwan tayong magandang imahe ng Pilipinas sa kanila sa pamamagitan ng pagiging mahusay na host sa kanila.