MAY ISANG lalaking may magandang pangarap sa buhay. Siya ay si Dalmy. Nang mabalitaan niyang may nagbebenta ng malaking lupain sa Masbate, binili ni Dalmy ang lupang iyon at dinebelop niyang maging isang rancho na nag-aalaga ng mga baka. Pinataba niya at ipinagbili sa Maynila ang mga baka. Napakatipid at napakabagsik niyang amo. Hindi niya pinahintulutan ang katamaran at maluhong pamumuhay mula sa kanyang asawa, mga anak, at mga manggagawa. Naging mahigpit siya sa paghawak ng pera.
Pati asawa niyang batam-bata ay hinigpitan niya. Naging maunlad naman ang negosyo niyang pagbabaka at yumaman siya. Sa kasawiang palad, napatay siya ng isang masamang loob. Ang bata niyang asawa at mga anak ang siyang nagpatuloy sa pangangasiwa ng rancho niya subalit hindi sila marunong magpatakbo ng negosyo.
Samantala, parang isang babaeng nakawala sa hawla ang batang asawa niya. Nang makontrol nito ang kaperahan ng negosyo, nagwaldas siya. Nagparty-party siya. Unti-unting nabaon sa utang ang negosyo nila. Dumating ang bangko at gusto nang ilitin ang lupain nila. Mapupunta sana sa wala ang lahat ng pinaghirapan ng nasirang si Dalmy. Masasayang sana ang sakripisyo at pagkamatay niya para sa ranchong iyon.
Mabuti na lang at nagkita ang asawa ni Dalmy at si Irene, isang matalinong pamangkin ni Dalmy. Si Irene ay matipid at mahusay mangasiwa ng pera. Tamang-tama naman na kamamatay lang ng asawa ni Irene at tumanggap siya ng malaking pension mula sa gobyerno. Si Irene ang umako ng malaking pagkakautang ng rancho ng kanyang tiyo. Naging kapwa may-ari siya at ang asawa ni Dalmy. Pinagpatuloy nila ang negosyong pag-aalaga ng baka.
Paglipas ng panahon, hindi nagkasundo ang estilo ng pangangasiwa ni Irene at ng asawa ni Dalmy. Kaya nagkasundo silang maghiwalay ng landas. Naging si Irene na lang at ang mga anak niya ang nangasiwa sa rancho. Dahil isang batang balo lang si Irene sa edad na 30, hindi pinayagan ng nanay niya na mag-isang nangangasiwa ng lupain si Irene. Inutusan ng nanay na tumulong ang mga kapatid ni Irene sa kanya. Dahil sa talino, sipag at diskarte ni Irene, nabayaran nang lubusan ang utang ng rancho. Subalit nang ginawa na ang titulo ng lupa, pinilit ng nanay niya na isama sa mga may-ari ang lahat ng mga kapatid ni Irene bagama’t wala namang kontribusyong pera ang mga ito sa pagbili ng lupa. Ang kontribusyon lamang nila ay ang kanilang labor (o pagtatrabahong tulong). ‘Di nagtagal ay namatay ang nanay ni Irene. Ang panganay na anak ni Irene na si Ralph ang naging general manager ng lupa. Iniwan nito ang pag-aaral niya sa Unibersidad ng Pilipinas para mangasiwa sa negosyo. Mahusay at matapang si Ralph. Humaharap siya sa mga bandido at magnanakaw ng baka, katulong ang isa pang nakababatang kapatid. Madalas mauwi sa halos barilan at patayan ang mga pagtatagpong ito. Mabuti na lang at laging nagwawagi sina Ralph at natatakot nila ang mga bandido. Itinaya nila ang buhay nila para protektahan ang lupain ng nanay nilang si Irene. Umasenso at umunlad ang rancho sa kamay ni Ralph.
Sa kasawiang palad, sa isang paglalakbay ni Ralph mula rancho patungong Maynila, bumagsak ang eroplanong sinasakyan niya at namatay siya.
Dahil hindi kontento sa dibidendong kita ng rancho ang mga pinsan ni Ralph, nagkasundo ang mga ito na paghati-hatiin ang lupa. Ayaw pumayag ni Irene. Nagpumilit ang isang pamangkin na nag-ambisyong magkaroon ng sarili niyang rancho, kahit wala naman itong kahit anong kontribusyon para umunlad ang lupain. Nagtagumpay ang taong ito na makuha ang bahagi niya ng lupa at pinatakbo ang sarili niyang negosyong rancho. Subalit wala siyang kaalam-alam sa pagpapatakbo ng negosyo. Lahat ng ginawa niyang pagkakakitaan ng lupa niya ay nabigong lahat. Ginawa na lang niyang libangan niya at ng mga kabit niyang babae ang lupain niya. Hindi kumita ng pera ang lupain niya, bagkus ay puro gastos. Umutang siya ng malaking pera sa bangko para matustusan ang mga palpak niyang negosyo. Naubos lahat ang pera niya sa mga bisyo at pambababae. Nalubog sa utang ang kanyang lupain. Sa kahuli-hulihan, ibinenta niya ang lupain niya. Nawala ang lahat sa kanya. Iniwan siya ng naghihinagpis niyang asawa at mga anak. Nang tumanda siya, umasa na lang siya sa limos ng ilang kamag-anak na naaawa. Pinatay niya ang gansa niyang nangingitlog ng ginto. At ang resulta ay namatay siyang mas mahirap pa sa daga. Nasa huli ang pagsisisi.
Tandaan: Sa kakasingko-singko, nakakapiso; sa kakapiso-piso, nakaka-isang libo.
Comments are closed.