ISANG IMPORT NA MAY ‘UNLI’ HEIGHT SA COMMISH CUP

MALAPIT nang maisapinal ng PBA ang pagpasok ng Hong Kong Eastern bilang guest team sa Commissioner’s Cup na muling tatampukan ng one import format.

Ginawa ni Commissioner Willie Marcial ang anunsiyo noong Linggo bago ang simula ng deciding Game 5 sa pagitan ng San Miguel at ng Converge sa Governors’ Cup quarterfinals.

Ang mga koponan ay papayagang magpasok ng imports na may unlimited height, kabilang ang Hong Kong Eastern, na magiging ika-13 koponan ng conference.

“Imports natin for the Commissioner’s Cup isa lang with unlimited height. Pinag-usapan din namin sa Hong Kong Eastern ‘yun. And pumayag din sila doon,” sabi ni Marcial.

Idinagdag ng commissioner na nagkasundo na ‘in principle’ ang liga at ang Hong Kong-based ballclub hinggil sa partisipasyon ng koponan sa mid-season conference na lalarga sa Nov. 27.

“Kontrata na lang. Pero in principle ok na kami nung team owner (chairman Frankie Yau). Kausap ko siya nung isang araw nasa Europe siya. Gagawa na lang ng kontrata,” sabi ni Marcial.

Inaasahang magdadala ang Hong Kong Eastern ng ilang imports dahil sasabak din ito sa East Asia Super League, kung saan ang mga koponan ay pinapayagang maglaro ng may dalawang imports.

Subalit ang HK Eastern ay papayagang magpasok ng isa lamang import sa PBA, ayon kay Marcial.

“Puwede silang magpalit (ng import) pero according sa regulations natin,” dagdag ng commissioner.

Ang ibig sabihin ni Marcial ay maaaring palitan ang original import, subalit kailangang ilagay sa injury/reserved list upang maaaring makabalik kapag nagpasya ang kanyang koponan na muli siyang paglaruin.

“But the replacement import could no longer return once he’s been supplanted by the original reinforcement,” ayon kay Marcial.

Bahagi ng kontrata na tinatarget ng HK Eastern ay ang two-year stint sa Asia’s first ever professional league.
Gayunman ay sinabi ni Marcial na kailangang muling mag-usap ng dalawang partido matapos ang conference at talakayin ito.

“Sabi ko tingnan natin after this season, mag-usap kami ulit,” ani Marcial, idinagdag na ang koponan ay hindi magkakaroon ng home games sa Hong Kong ngayong season, sa halip ay lalaruin ang buong iskedyul nito sa Pilipinas.
CLYDE MARIANO