MULA sa Sarangani Province, mas pinili ni Cecil Tamba, isang Blaan, na makipagsapalaran sa Maynila kung saan ay pumasok siya bilang kasambahay para matulungan ang kanyang pamilya. Dito na niya nalaman ang tungkol sa Technical Education and Skills Development (TESDA).
Hindi man marunong magsalita ng wikang Tagalog si Cecil, pinagsikapan niya pa din itong matutunan sa tulong ng Developing Communication Seminar na inorganisa ng TESDA para sa mga tulad niyang takot makisalamuha dahil iba ang kinagisnang diyalekto.
Sa kabila ng pagod ni Cecil sa kanyang pagtatrabaho bilang kasambahay, nilalakad niya ng mahigit dalawang oras ang TESDA Women’s Center sa Taguig City para pumasok sa klase hanggang sa matapos niya ang kursong Gas Metal Arc Welding NC II.
Sa tulong ng TESDA Women’s Center at ng kanyang mga kasamahang trainees, nakapagsimulang magtrabaho si Cecil sa Atlantic Gulf and Pacific Company (AG&P) sa Bauan, Batangas at kinalaunan ay naging Welding Fabricator sa Kagawa Ken Takamatsu Shi sa Japan kung saan ay kumikita siya ng Php70,000 kada buwan.
Para kay Cecil, mahalaga ang commitment sa lahat ng ginagawa at higit sa lahat, ang pananampalataya sa Diyos.
“Wag po tayong panghinaan ng loob. Kailangan lang natin ng commitment sa trabaho o sa skill natin para mas ma-enjoy natin ito. Dahil kung wala tayong commitment, mabilis tayong magsawa at magreklamo. Magpakatotoo lang tayo sa sarili natin at sundin kung ano ang nasa puso natin. Syempre huwag nating alisin ang pananampalataya natin sa Diyos dahil ito ang susi sa ating tagumpay,” pahayag pa ni Cecil.
Comments are closed.